Kung balido ang permit to stay ay malayang makakabas ng Italya papuntang Pilipinas at mga Schengen countries. Wala namang bakasyon sa Schengen country ang mga naghihintay ng first issuance at renewal nito.
Roma – Marso 31, 2015 – Ang Semana Santa ay pagkakataon rin para sa ilang araw ng bakasyon, maaaring sa Pilipinas o ang mamasyal sa ilang tourist spots o bumisita sa ilang kamag-anak at kaibigan sa ibang bansa sa Europa. Ngunti bago ihanda ang mga bagahe, ipinapayo sa mga dayuhang nasa Italya na silipin muna ang sariling permit to stay.
Ang sinumang balido ang permit to stay ay malayang makakalabas at makakabalik ng Italya, ang mahalaga ay dala ang orihinal na permit to stay.
Maaari ring mamamasyal bilang turista, nang hindi kailangang mag-aplay ng entry visa sa lahat ng Schengen countires: Belgium, France, Germany, Luxembourg, Netherlands, Portugal, Espanya, Austria, Greece, Denmark, Finland, Sweden, Iceland, Norway, Slovenia, Estonia, Latvia , Lithuania, Poland, Czech Republic, Slovakia, Hungary, Malta at Switzerland. Ngunit kung pipili ng hindi Schengen country, ay kailangang alamin ang kasunduan nito sa Pilipinas kung kailangan ng entry visa o hindi.
Samantala, para naman sa mga naghihintay ng renewal ng permit to stay, ang paglabas at pagpasok ng bansang Italya ay dapat wala kahit stop-over sa anumang Schengen country. Kailangang dala ang balidong pasaporte, ang expired na permit to stay at ang resibo ng aplikasyon ng renewal sa post office na ipapakita sa Immigration.
Ang sinumang naghihintay ng first issuance ng permit to stay para sa trabaho o family reunification ay maaari lamang magbakasyon sa Schengen countries kung ang entry visa ay “Schengen uniforme” na balido, kung hindi ay maaari lamang direktang magtungo sa Pilipinas at bumalik ng Italya na hindi dadaan sa anumang Schengen country. Sa anumang kaso, kasama ang resibo ng aplikasyon (cedolino) at pasaporte, ay maaaring ipakita sa entry visa buhat sa Italian embassy kung saan nasasaad ang dahilan ng pananatili sa Italya.