Ang pagkakaroon ng tinatawag na ‘cedolino’ o ang postal receipt ay nagpapatunay ng renewal ng permesso di soggiorno. Tandaan, ito ay dapat ingatan at hindi maaaring mawala.
Narito ang regulasyon para sa mga nais magbakasyon sa Pilipinas sa panahong nasa renewal ang permesso di soggiorno
Ang lahat ng mga dayuhan na nag-apply para sa pag-renewal ng permesso di soggiorno ay maaaring makapag-biyahe sa:
- loob ng Italya dala ang ‘cedolino’ na inisyu ng Post Office, kasama ang orihinal na expired permesso di soggiorno o ang ia-update na permesso di soggiorno;
- country of origin, samakatwid, sa Pilipinas, dala ang resibo ng renewal, ang nag-expire na permesso di soggiorno at ang balidong pasaporte.
Sa huling kasong nabanggit, ang stopover sa maraming bansa ay hindi pinapayagan, partikular sa mga bansa sa Europa. Ang biyahe pauwi sa country of origin at pagbalik sa Italya ay mas mabuting direct flight. Kung sakaling may kasamang stopover ang flight, ipinapayong linawin ang regulasyon sa bansang ito sa pamamagitan ng embahada o konsulado at sa pamamagitan ng airline agency.
Tandaan: Ang ‘cedolino’ ay hindi maaaring i-biyahe sa Europa dahil ito ay hindi kinikilala bilang balidong dokumento para sa pagbibiyahe sa ibang bansa sa Europa.
Resibo para sa first release na permesso di soggiorno
Ayon sa Ministry of Interior, ang mga may postal receipt para sa unang isyu ng permesso di soggiorno per lavoro autonomo, subordinato o ricongiungimento familiare, ay maaaring mag-biyahe papunta sa country of origin, sa kundisyong:
- ang paglabas at pagbabalik sa Italya ay sa parehong frontier;
- ang pagbibiyahe ay walang stopover sa ibang bansa sa Schengen.
Kakailanganin ring ipakita ang:
- pasaporte o katumbas na dokumento;
- entry visa na dahilan ng pananatili sa Italya (self-employment, trabaho o family reunification);
- Postal receipt.
Gayunpaman, upang maiwasan ang anumang problema, ipinapayo na palaging dalhin ang postal receipt.
Resibo ng Sanatoria 2020
Kahit sa kasong ang hawak ay ang resibo ng Sanatoria 2020, ipinapayo ang huwag muna lumabas ng Italya.
Alam natin ang napakahabang panahon para sa proseso nito, gayunpaman, inirerekomenda na manatili muna sa Italya at maghintay na matapos ang aplikasyon. Sa katunayan, kung sa pasaporte ng aplikante ay may entry o exit stamps mula sa Immigration, ang aplikasyon para sa Sanatoria ay maaaring i-reject.