in

Reddito di Cittadinanza, paano matatanggap ng mga dayuhan?

Ang Reddito di Cittadinanza ay isang uri ng tulong pinansyal na inaprubahan noong Jan. 17, 2019. Ito ay napapaloob sa tinawag na ‘decretone’ na nagtataglay din ng reporma sa pensyon. Nitong Feb. 4, 2019, ay inilunsad ni Labor Minister Luigi Di Maio ang opisyal na website www.redditodicittadinanza.gov.it at ang Rdc Card, ang e-card kung saan matatanggap at paano magagamit ang nasabing ayuda.

Bagaman ang website sa kasalukuyan ay nagtataglay lamang ng mga requirements na kinakailangan upang ito ay matanggap, simula March 6, ang mga aplikante ay maaaring isumite ang angkop na form mula sa Inps sa pamamagitan nito gamit ang SPID o Sistema Pubblico d’Identità Digitale. Maaari ring magsumite ng aplikasyon sa Poste Italiane o mga Caf.

Samantala simula April 27, 2019, ay matatanggap ang tulong pinansyal sa pamamagitan ng carta RdC ng mga beneficiaries na nag-aplay mula March 6-31.

Makalipas ang mainit at matagal na talakayan, bukod sa mga Italians, ito ay matatanggap din ng mga Europeans at non-Europeans. Sa katunayan, sa 1.248 milyon na pamilyang tatanggap, ay 20% nito ang mga pamliyang dayuhan.

Ngunit anu-ano ang mga requrements para matanggap din ito ng mga Pilipino?

Nasasaad sa artikolo 2 ng dekreto ang mga requirements para makapag-aplay at matanggap ito ng mga pamilya ng mga dayuhan ay ang:

  • Pagkakaroon ng EC long term residence permit o kilala sa dating carta di soggiorno;
  • Residente sa Italya ng hindi bababa sa 10 taon at ang huling 2 taon ay tuluy-tuloy.

Ang mga nabanggit ang pangunahing requirements sa mga hindi mamamayang italyano. Bukod dito, tandaan na ang reddito di cittadinanza ay nakalaan sa mga:

  • Disoccupato o unemployed
  • Inoccupato o naghahanap ng unang trabaho
  • May sahod o kita na mas mababa sa € 780,00 kada buwan.

Ang mga aplikante, dayuhan at italyano,  ay kailangang nagtataglay din ng mga sumusunod:

  • Ang halaga ng ISEE ay dapat na mas mababa sa € 9360
  • Kabuuang sahod o reddito familiare: para sa mga single ay hindi tataas ng € 6000 at € 9630 naman para sa mga pamilya na umuupa ng bahay;
  • Kabuuang pera sa bangko o reddito mobiliare: hanggang € 6000at tumataas sa € 10000 para sa pamilya na may 3 miyembro at karagdagang € 1000 para sa bawat anak (mula sa ikatlong anak) at karagdagang € 5000 para sa miyembro na may disabilities;
  • Real estate: hanggang € 30,000 at hindi kasama ang unang bahay kung saan naninirahan;
  • Ang sinumang mayroong sariling bahay, ang rdc ay bababa sa € 500,00

Bukod sa mga nabanggit, upang ito ay matanggap ang aplikante o isa sa mga miyembro ng pamilya ay walang brand new car na 1600cc o 250cc sa motor 6 na buwan bago ang aplikasyon.

Kung ang aplikasyon ay tanggap, ang halaga ng Rdc ay binubuo ng dalawang halaga:

  • Dagdag sa kita o sahod (integrazione al reddito) hanggang € 500;
  • Tulong para sa bahay na tinitirahan: € 0 kung ang tinitirahan ay sariling pag-aari, € 150 kung nagbabayad ng mutuo o housing loan, € 250 kung nagbabayad ng upa o renta.

Tandaan na ang reddito di cittadinanza ay isang uri ng tulong pinansyal sa mga pamilyang nasa matinding kahirapan. Sila ang mga inilarawan ng Istat na kumikita ng mas mababa sa € 780 kada buwan. Ang halagang ito ay nag-iiba batay sa bilang ng miyembro ng pamilya.

Samakatwid, ang Rdc ay ibibigay sa mga pamilya bilang karagdagang halaga sa sahod para umabot sa € 780,00 kada buwan.

Halimbawa: Kung ang pamilya ay binubuo ng isang tao na walang sahod o kita, ay may karapatang matanggap ang € 500 + € 280,00 para sa renta o upa ng bahay. Sa kabuuang € 780 kada buwan. Ngunit kung nagbabayad ng housing loan o mutuo, ay € 150 sa halip na € 250.00.

Kung ang pamilya ay binubuo naman ng magulang: Ama, Ina + 1 anak na 18 anyos + 2 menor de edad, ang rdc ay nagkakahalaga ng € 1,330.00

Sa loob ng 30 araw matapos isumite ang aplikasyon, hanggang April 30, 2019, ay isang komunikasyon buhat sa Inps ang matatanggap upang kunin ang carta rdc sa post office kung saan accredited na ang halagang nakalaan sa aplikante.

Makalipas ang 30 araw, sa buwan ng May, ang beneficiary ay tatawagin naman ng Centro per l’Impiego o tanggapang pribado para sa ‘job agreement’ o patto di lavoro, formation agreement o patto formazione.

Sa buwan pa rin ng Mayo, ang aplikante ay tatawagin ng Comune para sa 8 oras na trabaho kada linggo.

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Mga Dapat Malaman ukol sa Tigdas o Measles o Morbillo

ARAW NG MGA PUSO