in

Simpleng Paraan para Mabawasan ang Nadagdag na Timbang Nitong Pasko

Naghihigpitan ba ang mga pantalon dala ng dagdag na timbang dulot ng sobrang nakain na torta, panettone, pandoro, torrone at iba pang masasarap at masustansiyang pagkain? Narito ang ilang simpleng tips para mabawasan ang nadagdag na timbang. 

Kakatapos lang ng Pasko at ng mga parties at iba pang okasyong puno ng kasiyahan at masarap na kainan. At malamang naghihigpitan na ang ating mga pantalon dala ng dagdag na timbang dulot ng sobrang nakain nating mga torta, cookies, karne at iba pang masasarap at masustansiyang pagkain. Tiyak na damang dama ng marami ang dagdag timbang sa ating mga hita at mga bewang na tila bang sasabog na ang ating mga pantalon at di na tayo makapagsinturon.
Ito ay dala ng hangover ng Christmas holidays na tila ba isang regalo na ayaw mong matanggap. Kaya’t ang aming buwena-manong handog para sa taon ay mga paraan upang malinis (o mai-detoxify) ang ating mga katawan pagkatapos ng pag-o-overeating (aminin man natin o hindi) at upang mabawasan ang naidagdag na timbang.
Mag-exercise. Kailangan lamang ng determinasyon para dito. Magpatugtog ng paboritong kantang pangsayaw at gumalaw at kumembot, depende sa nais mo. Puwede ring maglakad lakad o magbisikleta sa parco. Mainam ang pagsuot ng makapal at mainit na kasuotan habang ginagawa ito para pawisan at tumaas ang heart rate. Hindi kailangang biglain ang sarili. Piano piano lamang (mga 20-30 minuto o depende sa payo ng inyong doktor) at bahagyang dagdagan ang intensity sa mga susunod na mga araw.
Linisin ang refrigerator. Ipamigay ang mga pagkaing naiwan noong Pasko na nakakadagdag timbang o iyong mataas sa asukal, asin o cholesterol. Mas mainam na ito kesa makadagdag pa sa pambabara ng mga ugat o kaya’y stroke o atake sa puso.
Mag-stock ng mga prutas, gulay at mga pagkaing mayaman sa fiber at protina. Maaari niyong planuhin ang inyong mga kakainin sa loob ng tatlong araw na puno ng pagkaing mababa sa taba, mayaman sa fiber at mayaman sa lean proteins. Mainam na halimbawa na pang-almusal ay ang oatmeal. Ito ay nakakabusog, hindi nagpapataas ng blood sugar at mayaman sa fiber na patuloy na nagpapagana ng digestive system. Ang mga prutas at gulay naman ay puno ng fiber at bitamina. Ang mga ito ay magaan sa tiyan at mainam kung kaining sariwa.
Ang mga pagkaing mayaman sa mabuting protina (lean protein) ay mga isda, manok, tacchino na walang sugo o gravy.
Ang pagkain ng mga ito sa loob ng ilang araw ay makakatulong sa paglinis ng ating mga sistemang pangkatawan dulot ng over  eating noong pasko.
Uminom ng maraming likido. Ang paginom ng maraming tubig (hindi alak o softdrinks) ay mainam para tumulong sa paglinis ng katawan. At dahil maraming nakokonsumong taba, asukal at asin ng kapaskuhan, ang paginom ng maraming tubig ay tumutulong na mawala ito. Kung kakayanin, subukang makaubos ng 1-2 litro ng tubig sa isang araw.  Maaari ring uminom ng tsaa o salabat na tumutulong na kumalma ang tiyan at sa pagtutunaw ng pagkain.
Umiwas sa asukal at maghanda sa sugar cravings o sobrang pananabik sa asukal. Normal lang na maghahanap ang katawan ng matamis lalo pa’t nasanay nitong kapaskuhan. Pag napansin mong naghahanap ng matamis ang iyong katawan, labanan ito sa pamamagitan ng pagkain ng prutas o kaya’y mga sugar-free (senza zucchero) na mint candies. Minsan ang taong nakakaranas ng sugar cravings ay nakakaranas ng sintomas ng pagsakit ng ulo. Kaya’t makakatulong ang paginom ng nakasananayan at ligtas na gamot para rito. Ang paginom naman ng vitamin B ay makakatulong sa pagdagdag ng enerhiya ng katawan.
 
Mainam na planuhin ang wastong pagkain lalo pa kung nakakaranas ng labis na pananabik sa matatamis na pagkain. Tuwing makaranas nito, ibaling ang atensyon sa ibang mga bagay o di kaya’y ngumuya na lamang ng paboritong prutas. Kung talagang mahirap gawin, maghanap ng produktong senza zucchero o yung mas mababa ang asukal tulad ng dark chocolate. Ang labis na pananabik sa matamis ay tumatagal ng ilang araw, kaya importanteng maintidihan at makapagplano para rito.

Panatilihin ang pagiging positibo. Hindi malayo ang makakaramdam ng lungkot dahil sa pakiramdam na ipinagdadamot mo sa iyong sarili ang mga kinakain para makawala ng dagdag na timbang. Makakatulong ang pag-isip na ang ginagawa ay mainam para sa sarili at isipin na lamang ang mga benepisyong makukuha sa ginagawang pagdidiyeta. Hindi rin naman ibig sabihin na hindi na natin puwedeng kainin ang mga paborito o nakasanayang pagkain. Ang susi ay nasa pagkain lamang ng sapat na bilang ng mga ito at sa pagbabalanse ng bilang ng kinakaing kanin, gulay, prutas at karne alinsunod sa food pyramid o kinakailangang bilang ng calories.

Sa pamamagitan ng determinasyon at pagsunod sa pinagplanuhang pagkain, mas malaki ang tsansa na tagumpay na mababawasan ang timbang at ang paglobo ng mga bilbil sa tiyan, upang mas maging masigla at malusog ngayong 2023.

(Gabay Kalusugan Handog ng FNA
ni: Loralaine R.)
 
Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

Permesso di soggiorno per assistenza minore, ano ito at sino ang maaaring mag-aplay nito?

I’m a Baller Milan, tagumpay ang ginanap na Aquaintance Party