Roma, Setyembre 12, 2012 – Si Edmar Roque Mercado, isang Pilipino 19 na taong gulang, nakatira sa Parma ay kasalukuyang hinahanap ng kanyang ama at mga kamag-anak. Nawala noong Setyembre 6 mula sa kanyang tahanan sa Parma, Via Leoni (lugar ng Emilia Est) sakay ng kanyang mountain bike.
Ang ama ay simulang nanawagan ilang araw na ang nakalilipas: Si Edmar ay pipi at bingi mula kapanganakan, isang binata ang histura ngunit bahagyang mentally retarded. Nawala ang binata sa paningin ng tiyuhin na naidlip ng saglit. Ang binata ay may dala lamang na 30 euros, dala rin pati ang kanyang tessera sanitaria. Samantala, ang pasaporte at ibang dokumento ay naiwan sa tahanan. Ang binata ay walang cell phone, kahit na bancomat o credit card.
Hindi ito ang unang pagkakataon na si Edmar ay lumayo mula sa kanyang bahay. Ipinaliwanag ng ama na si Edmar ay mahilig sa mountain bike at noong nakaraang taon ay nagpunta ng Milan ngunit umuwi bandang alas tres ng madaling araw.
Ngunit ang ikinababahala ng ama ay ang pangarap nito na binanggit diumano ilang ulit ng anak: ang makarating sa China sa pamamagitan ng bisikleta bukod sa natuklasan ng amang mga planong biyahe ng anak sa mga kalapit lungsod dala ang bisikleta ilang araw na ang nakakalipas.
Isang panawagan rin ang ginawa ng ama sa pamamagitan ng tv program "Chi l’ha visto?" at ito ay tatalakayin ngayong gabi.
“Natatakot po akong mayroong mangyari sa kanya, sya po ay isang bingi ay hindi nya maririnig ang anumang ingay ng mga sasakyan na paparating”, kwento ng ama nito.
Si Edmar ay may taas na 1,70 m, itim at maigsi ang buhok at katamtamang pangangatawan. Inoperahan sa labi at makikita pa ang bakas nito.
Si Edmar ay nawala sakay ang kanyang mountain bike na may kulay pula at itim, at mayroong mga letrang nakasulat sa Chinese. Dala rin ng binata ang kanyang backpack na pula.
Ngayong araw na ito ang ina ay darating mula sa Pilipinas. Ang mga kamag-anak ay patuloy ang paghahanap at umaasang tulad noong nakaraang taon ang binata ay uuwi muli sa kanyang sariling tahanan.