Ang kwento ay kathang isip lamang. Anuman pagkakahawig sa tunay na buhay at mga pangyayari ay di sinadya. Ang mga lugar, pangalan, institusyon at buong kwento ay gawa-gawa lamang ng manunulat.
Isang kagalakan ang maglingkod sa Diyos. Ayon sa Mateo 22:14, marami ang tinawag ngunit kaunti lamang ang pinili. Hindi nakakapagtaka kung bakit iilan lamang ang mga Pari, Pastor at mga Madre.
1990 ng ayain ng isang kaibigan si Inday Bernardino na kapwa sila pumasok sa isang kumbento, upang maging Madre. Sagot ng Kongregasyon ang gastos sa pamasahe kaya mabilis silang naenganyo. Bukod pa, pagkakataon ng mapalapit sa Dios. Kaya isa si Inday sa mahigit 20 kadalagahang istudyante na nagpalista mula sa GenSan.
Pagdating sa Maynila, isang madreng Columbiyana ang sumalubong sa kanila. Masungit at istrikto ito. Sa halip na isang mainit na pagtanggap., “Ikaw ano pangalan mo?”, tanong ng Madre habang nakaturo ang hintuturo..”Inday Bernardino po, sister”. “O ito, magwalis ka muna sa paligid”.
Oblation Sister of the Blessed Sacrament ang kumbento na tumatangap ng mga nagnanais maging alagad ng Dios o maging isang Madre. Kabilang sa mga gawain ang paglalampaso ng sahig, pagwawalis sa kapaligiran at mga gawain sa kusina tulad ng pagluluto at pagliligpit. Bukod pa sa paulit-ulit na dasal at mga litanya.
Subalit ang paninigaw ng Madre habang sila ay naglilinis ay nagtulak kay Inday Madre para magpaalam agad sa Madre Superyora. Nagkaroon din ng isang malaking katanungan sa kanyang isipan: “ganito ba talaga? Ako ba’y nasa isang kumbento?”
Upang hindi umuwi, pinangakuan na papag-aaralin at ipapadala sa Italya, upang magturo at doon na ipagpatuloy ang sinimulan bokasyon.
Italya, sentro ng katolisismo. Sa mahigit 200 libong Pinoy na nagsisipagtrabaho at naninirahan dito, 3% ang motibo ay relihiyon.
1991 ay nakarating na si Inday Bernardino sa Italya. Kabilang siya sa pitong Madreng Pilipina na dumating sa Cagliari. Sa tuwing nakakaramdam ng panghihina, nagpapalam na umuwi si Inday sa kanyang Madre General. Higit sa sampung ulit siyang nagpaalam. Mahigit 10 beses din siyang tinangihan. “Mahal ang pamasahe at kailan magsakripisyo”, madalas isagot sa kanya.
Sa loob lamang ng 2 taon, opisyal ng Madre si Inday. Sa Kumbento nabigyan siya ng Diploma Magistrale katumbas ang pagiging guro sa Asilo Nido. Ang pagsusulit na dinaanan ay simpleng interbyu ng mga pangalan at mga katanungan personal. “Sa wakas, nakagradweyt ng walang kahirap-hirap”, aniya ni Inday matapos pagkalooban ng Diploma.
Subalit ang daan ay liko-liko. Ang kalbaryo ay lagpas sa bundok ng Golgota. Nagturo ng halos 17 taon si Inday ng walang tinatanggap na sahod at kontribusyon sa INPS. Di bababa sa 12 oras na pagtatrabaho sa bawat araw na ginawa ng Dios. Kapag nakakauwi ng Pilipinas, binibigyan ng lamang ng 400 euro na alawans kabilang na ang pambili ng tiket sa eroplano. At sa panahon na nasa Italya, hindi pinahahawakan ang kanilang mga dokumento tulad ng pasaporte, bawal ang cellphone subalit kinakikitaan nila ang mga Superior na mayroon nito.
Hindi matanto ni Inday bakit patuloy siyang bumabalik. Bakit ‘di na lamang mamalagi sa Pilipinas. “Ako ba’y kabilang sa mga tinawag ng Diyos ?”. Sa silid tulugan, umuukilkil sa isip ang mga salitang “tatakas ako, hahanap ako ng pagkakataon, bahala na ang Dios”.
Nagkaroon ng retreat sa Napoli ang kanyang Kongregasyon, “pagkakataon kong tumakas”, laman ng isip ni Inday. “Hindi ko na kaya ang paninigaw, ang pagpapatrabaho ng walang sahod at ang diskriminasyon sa loob ng Kumbento. Ang di makatarungang pagkakait ng aming mga dokumento at bahagyang kalayaan. Malayo sa komunidad. Kanugnog lamang ng panalangin ang Dios subalit salat sa kapayapaan sa loob”. Usal ng nagrerebeldeng isip ni Inday. Sigaw ng damdamin nais makahulagpos..
Isang lunok ng panis na laway. Isang malalim na buntong hininga. “Bahala na. Madre Superyora, nais ko sanang bisitahin ang aking kapatid sa Bassano de Grappa, babalik din ako bukas ng maaga. Bago tayo bumalik sa Cagliari”. “Siguraduhin mo lamang na makabalik bago mag-alas-dos ng tangahali”, sagot sa kanya. Dali-daling kinuha ni Inday Bernardino ang isang bag na may lamang damit.
Habang binabaybay ng Bus ang autostrada patungong hilaga ng Italya. Isang talata sa Bibliya ang muli niyang naalala – Lukas 13,25-27 – “Di lahat makapapasok sa kaharian ng langit”. Subalit ang higit na nakakagitla, kung minsan, maging ang diyablo ay gumagamit ng salita ng Diyos para makapang-akit. Sa huli ay makapanila.
Ibarra Banaag