Biglang bigla ang balitang, noo’y aking napakinggan,
Na mayroong isang virus, na nagmula dun sa Wuhan,
Ang tanong ko sa sarili, ito ba’y may katibayan,
o di kaya’y isang fake news, sa ‘ting mga kababayan.
Subalit di nagtagal, merong isang whistleblower,
Totoo nga ang balita, ang virus ay mapanganib,
Kahit siya’y isang duktor, sa kaniya ay sumanib,
Kaya siya ay namatay, nawala na sa daigdig.
Mula noon ay patuloy, marami ang nahawahan,
ng virus na sinasabing COVID 19 ang pangalan,
Para silang mga kawal, marami ang pinapatay,
Hindi sila nakikita, pa’no ito iiwasan.
Walang iba, gawin natin, na maglinis ang katawan,
Mula ulo hanggang paa, isama na ang bakuran,
Lagi nating iisipin, malinis na pamayanan,
Kaya tayo’y tulung-tulong, ang virus ay maiwasan.
Buong mundo’y dumaranas, ng ganitong kalagayan,
Marami na ang namatay, halos hindi na mabilang,
Ekonomiya’y bumagsak na, halos lahat tinamaan,
Tuloy pa rin ang quarantine, kaya lahat nasa bahay.
Sana nama’y matapos na, ang hirap na dinaranas,
Sana nama’y matuklasan, ang gamot na siyang lunas,
Magbabangon sa daigdig, bawat tao ay lumakas,
Sa lungkot na kinikimkim, at matupad ang mga pangarap.
Bilang isang karanasan, dito ngayon sa Italya,
Marami ang mga tao, na ngayon ay nagdurusa,
Marami ang nagluluksa, halos lahat ay balisa,
Kaylan nga ba matatapos, upang lahat guminhawa.
Sa ‘king mga kababayan, na nar’yan sa Pilipinas,
Wala tayong dapat gawin, tayong lahat ay mag ingat,
Huwag nating susuwayin, sumunod sa ating batas,
Disiplina sa sarili, ang mabisa’t siyang lunas.
Lagi nating tatandaan, nakasulat sa talata
Nasa DIYOS ang awa, nasa TAO ang gawa,
Lagi tayong manalangin, at sumamba kay Bathala,
Ang virus ay mawala na, ng di na makapaminsala.
Nag-iwan ng isang aral, itong ating karanasan,
Tulad din sa katulad ko, ako’y mayro’ng natutunan,
Ito’y aking dala-dala sa paglipas nitong araw,
Patuloy kong itatago, ito’y aking iingatan (Clemente Dolor)