in

Face Mask, mayroon ka na ba?

Magmula nang pumutok ang balita ukol sa COVID 19 virus, naging sandata na ng mga kababayan natin, dito man sa Italya, sa Pilipinas o sa ibang panig ng mundo na kasalukuyang apektado ng krisis, ang face mask, hand sanitizer, guwantes, alkohol at sabon. Sa mga botika at tindahan ay mahirap nang makatagpo ng suplay ng mga ito dahil sa panic buying at hoarding na nangyari. Kung kaya naging daan ito upang pagsamantalahan ang konsumer ng mga negosyanteng may stock at taasan ang presyo mula sa dating halaga nito.

Naging solusyon ang pag-order sa mga online stores pero sa ibang lugar ay nagkaroon din ng sagabal dahil sa lockdown kaya ang mga delivery ay di matugunan.

Gaya ng ibang may mapanlikhang isip at kamay, ang mga Pilipino din ay gumawa ng mga face mask na yari sa tela, papel, plastic o acetate. Sari-sari ang naging tutorial video na lumitaw sa social media at nanghihikayat na gumawa na lamang ng sariling face mask kaysa walang magamit.

Nguni’t makakatulong ba ang mga do-it-yourself face mask o ang pagbili ng mga maling tipo nito sa panahong ito?

Tingnan natin ang mga tipo ng face mask na nabibili ngayon.  Dito sa Italy ay naging popular ang surgical face mask na gamit ng mga narses at health workers sa mga hospital, maging ng mga trabahador sa mga pabrika. Ang N95 naman na tipo ay di rin ganung kadami  ang matatagpuan sa mercado dahil di popular na gamitin dahil hindi kumbinyente bagama’t ito ang pangunahin at dapat gamitin ng ating mga doktor at narses sa loob ng hospital lalo na sa direktang pag-aasikaso sa mga pasyente.

Ayon nga sa mga departamento ng kalusugan, mas dapat gumamit ng face mask ang mga maysakit na o COVID19 positive patients dahil di sila dapat na makahawa mula sa talsik ng kanilang laway, sipon o bahing. Pero bilang proteksiyon natin kaya ating sinusuot din upang di nila tayo matalsikan ng likido mula sa kanilang ilong at bibig at di malipatan ng virus. 

Ang mga face mask na yari sa tela, nalalabhan at nagagamit muli ay bilang panakip lamang sa ating ilong at bibig laban sa alikabok, usok, di pangkaraniwang amoy at kung makasala man ng mikrobyo o virus ay maliit na porsiyento lamang. Hindi rin ito strelisado kaya walang garantiya na makatutulong ito na maharang ang corona virus.

Ayon sa World Health Organization, ang paggamit ng mababang uri ng face mask o kaya yaong mga gawang-bahay lamang o bunga ng mga ideya na “puwede na” ay nagbibigay lamang ng minimal na seguridad sa mga gumagamit nito.

          Paano ba ang  tamang paggamit ng face mask?

  • Isuot nang natatakpan ang ilong, hindi ang bibig lamang ang tatakpan o ang baba
  • Huwag hawakan ang mask kung ang mga kamay ay ginamit sa paghipo ng maraming bagay
  • Huwag ugaliing ibaba-itaas ang face mask habang nakikipag-usap 
  •  Huwag gamiting muli ang mask na na-expose na sa mga dumi, bakterya at virus
  •  Kailangang magpalit lagi nito lalo at nakahalubilo ng maraming tao
  • Huwag gamitin nang pangmatagalan lalo at di naman kailangan
  • Ang nagamit nang face mask ay dapat itapon nang maayos upang hindi na makakontamina sa iba
  • Sa pagsusuot ng bagong mask, siguraduhing nasabon at nahugasang mabuti ang mga kamay.

Gumamit ng de-kalidad na face mask na aprubado ng mga pang-internasyunal na regulatory bodies gaya ng ASTM, FDA o NIOSH, pati na ang N95 mask o respirator, para makasiguro sa proteksiyon lalo na sa panahong ito na may pandemic COVID 19.

Makatutulong pa rin ang palagiang pagsasabon at paghuhugas ng mga kamay kung wala rin lang o mababang uri lamang ang magagamit na face mask o respirator.  Huwag ring palaging hawakan ang parte ng mukha. Lumayo sa matataong lugar hangga’t maaari at manatili na lamang sa bahay.  (ni: Dittz Centeno-De Jesus )

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

kit-postale-ako-ay-pilipino

Permit to stay, extended ang validity hanggang June 15, 2020

Ora legale, nagbabalik