Gumising ka kaibigan ko
napakapusok at napakamarahas mong tao
utak at dibdib mo’y puno ng panibugho
selos ang namamayani sa katauhan mo
kaisipan mo’y lalo pang lumalabo
ang buhay mo’y walang ayos at napakagulo
Mag-isip ka kaibigan ko
sugarol, lasengo at basagulero kang tao
nalilihis na sa tamang landas ang buhay mo
‘pag nalalasing ay wala ng sinisino
sa away at gulo’y ‘di na tumatakbo
lagi na sa pagamutan at kalaboso
Magbago ka kaibigan ko
manloloko’t babaero kang tao
ilang pamilya na ang winasak mo
marami ng kinabukasan ang sinira mo
awa sa kapwa’y wala na sa iyong puso
pinatigas na ng kahayupan at kabulukan mo
Gumising, mag-isip at magbago kaibigan ko
hindi pa huli ang lahat para gawin ito
ipikit ang mga mata at iyuko ang ulo
ipanalanging kapayapaa’y sumaiyo
amining lahat ang pagkakasala’t isigaw mo
“Panginoon patawarin mo ako”
(ni: Demetrio ‘Bong’ Rafanan)