in

Heat Stroke, sino ang nanganganib sa matinding init?

heat-stroke

Ang heat stroke ang pinakaseryosong epekto sa kalusugan tuwing summer o taginit. Paano malalaman kung ang isang tao ay biktima na nito? Sino ang nanganganib sa matinding init?

Nangyayari ito kung bigo ang sistema ng panlamig ng katawan ng isang tao o kung hindi kaya ng katawan na palamigin ang sarili at ang temperatura sa loob ng katawan ay mabilis na tumaas. Ang resulta ng heat stroke na dala nitong init ay puwedeng maging sanhi ng matindi at permanenteng pagkasira ng mga maseselang organo.

Paano malalaman kung ang isang tao ay biktima na ng heat stroke?

Maaring makilala ang isang biktima sa kanilang mga balat na mainit, tuyo at namumulang kulay. Ang iba pang palatandaang babala ay ang pagkalito, pagkamali-mali, halusinasyon, pagka-agresibo o pagka-mainitin ang ulo, at kawalan ng pawis. Kung hindi gagamutin agad ang heat stroke, maaaring matungo ito sa permanenteng pinsala o pagkasawi. Gayunpaman, ang heat stroke ay maiiwasan kung susundin ang ilang madadaling pamamaraan.

Sino ang nanganganib sa matinding init?

Walang sinuman ang ligtas dito, ngunit ang mga may edad, pati na ang mga musmos na kabataan, ay lubos na nanganganib sa matinding init. Ang mekanismong nagpapalamig sa katawan ng mga nagkaka-edad ay maaring masira. Ang mga nag-iisa at nakaratay sa kama at di kayang alagaan ang sarili ay lalong nadadagdagan ang panganib. Ang mga kalagayang pangkalusugan gaya ng di gumagaling na karamdaman, sirang kaisipan, at pagiging mataba ay nakakaragdag din sa panganib. Ganoon din ang mga taong may iniinom na ilang medikasyon o nagdo-droga. Dagdag pa rito, ang mga taong naninirahan sa mataas na palapag ng mga gusali na walang hanging pang-palamig ay maaring maapektuhan sa lubos na init. Ang mga nakakapagod na gawaing panglabas o outdoor activities at ang pag-inom ng alak sa kainitan ng panahon ay maari ding magdulot ng kapansanan sa kalusugan kaugnay ng init.

Nananatiling pinakamahusay na laban sa matinding init ay ang pag-iwas dito. Kapag matindi ang init, ang mga sumusunod na pamamaraan ay maaring makasagip ng buhay:

  • Magpunta sa mga gusaling may air-conditioner kung ang inyong tahanan ay hindi air-conditioned. Kasali na dito ang mga senior citizen centers, sinehan, mga aklatan, shopping malls, o mga iba pang sentro. Kahit ilang oras lamang sa kuwartong may air conditioning ay makakabawas sa panganib.
  • Ang mga bentilador ay maaring magbigay ng ginhawa, pero kung ang temperature ay mataas, ito ay hindi sapat. Pinatunayan na ng ilang researches na ang bentilador ay epektibo lamang kung ang temperature sa kapaligiran ay mas mababa sa temperature ng katawan.
  • Makakatulong din ang pag-shower o pagligo ng malamig na tubig.
  • Ugaliin din ang pag-inom ng maraming tubig ngayong taginit. Huwag nang hintayin pang mauhaw bago uminom. Kung ang doktor mo naman ay nililimita ang iyong paginom ng likido, tiyaking magtanong kung gaano karami ang maaaring inumin kung mainit ang panahon. Tanungin din ang doctor kung ang medikasyon na iniinom ay nakakadagdag sa pagkakaroon ng karamdaman na kaugnay ng init.
  • Iwasan ang mga inuming may caffeine (tulad ng kape at ilang sopdrinks), alkohol, o matataas ang asukal na inumin dahil ito ay maaring maging sanhi ng panunuyo.
  • Iwasan din ang mabibigat na protinang mga pagkain (karne at mga produktong mula sa gatas), na nakakadagdag sa init ng katawan at pagkawala ng tubig.
  • Makakatulong din ang pagsuot ng magagaang-kulay, maraming butas na maliliit at maluluwang na damit na yari sa telang presko sa katawan.
  • Kapag lalabas naman, mainam na ang paggamit ng sombrero at sunscreen.
  • Kung may kamag-anak na sa palagay niyo ay nanganganib sa tindi ng init (tulad ng mga may sakit sa puso o biktima na ng “stroke”), siguraduhing sila ay nadadalaw o nasisilip ng ilang beses sa isang araw. Pansinin kung may mga palatandaan ng karamdamang dala ng init gaya ng mainit at nanunuyong balat, pagkalito, pagkamali-mali, at pagka-agresibo at halusinasyon at kawalan ng pawis. Kung positibo sila rito, siguraduhing sila ay madala agad sa pronto soccorso.
  • Makakatulong din ang pagpapanatiling malamig ng inyong mga tahanan sa pamamagitan ng mga kurtina at serranda.
  • Maari ring buksan ang mga bintana sa gabi para pumasok ang mas malamig na hangin.

Ating tandaan, ang kalusugan ay kayamanan at importanteng puhunan sa pagbabanat-buto dito sa Italya.

 

ni Loralaine Ragunjan 

FNA Rome

 

Basahin rin: 

Mga Dapat malaman tungkol sa sakit na Heat Stroke

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

Maximum heat alert, umakyat sa 16 na lungsod sa Italya

Ugnayan para Magkabuklod at Makapaglingkod: Adhikain ng Filipino Community sa Valle D’Aosta, Italy