Sa apat na sulok ng mundong ibabaw, Ipaglalaban ko ang tangi kong IKAW……
Ako’y Pilipino, malakas kong isisigaw
Hanggang ang tinig ko, ay umalingawngaw
Sa apat na sulok, ng mundong ibabaw
Ipaglalaban ko, ang tangi kong IKAW
Di ako papayag, maapi kang muli
Ng mga dayuhang, maitim ang budhi
Babantayan kita, sa bawat sandali
At sa kandungan ko, ay mamamalagi
Aking Pilipinas, tanging IKAW lamang
Ang paglilingkuran ko, habang nabubuhay
Ang kalayaan mong, hawak ko sa kamay
Di ko babayaang, ito ay maagaw
Ang mga bayaning, nagtanggol sa iyo
Nagbuwis ng buhay, iniwan ang mundo
Si Gat Jose Rizal, Emilio Aguinaldo
At Juan Luna, Melchora Aquino
Si Apolinario Mabini, at Sultan Kudarat
Di rin palalamang, si Marcelo del Pilar
Si Andres Bonifacio, at ang kanyang tabak
Ang sa kasaysaya’y, ginawang panulat
Marami pang ibang, may dakilang puso
Nagbuwis ng buhay, nag-alay ng dugo
Hindi alintana, ang luhang tumulo
Ng naiwang supling, dala ang pangako
Ating gunitain, ang kadakilaan
Ng mga bayaning, nagtanggol sa bayan
Ngayong Hunyo dose, ating ipagdiwang
Ang dakilang araw, nitong KALAYAAN
Ang ating watawat, na may tatlong kulay
May tatlong bituin, at may isang araw
Ating ipagbunyi, ating iwagayway
Kasabay ang ating, malakas na sigaw
AKO AY PILIPINO, PILIPINAS ang BAYAN ko
ni Letty M Manalo