Sabi ng kasabihan ngayong may pandemya, “Iwasang bumili ng walang kabuluhang bagay, pero pag halaman puede.” Bakit nga ba naging trend ang paghahalaman sa panahon ng lockdown na may color zones sa Italya at community quarantine zone naman sa Pilipinas?At Naging bagong salita na kinagigiliwan ang Plantitos at Plantitas,
Sa pananatili ng mga Pilipino sa kani-kanilang tahanan, ang kanilang napagtuunan ay ang mga halaman, panloob man sa kanilang mga tahanan o para sa kani-kanilang mga bakuran. Mapapansin na pati sa social media ay naglabasan ng mga litrato ng kani-kanilang mga halaman na nabili at inaalagaan. May mga halamang kakaiba at may katumbas na mataas na halaga at mayroon din namang mga pangkaraniwan na madaling paramihin at ipagbili.
Naging bagong salita tuloy na kinagigiliwan ang “Plantitos at Plantitas”, pati ang katagang “Plantliners” na pawang tumutugon sa mga maghahalaman na nag-aalala ng pampalamuti, bulaklakin, gulay o puno man. Mayroon ding “Plantsitters” na tagapag-alaga naman ng halaman ng iba habang ang may-ari ay wala.
Sa Italya ay nabuo ang grupong Bologna Plantliners nang magkasama-sama ang mahihilig sa halaman. At naging parte ng pagkakaibigan ang palitan at bigayan ng mga halaman. Taon-taon ay may garden fair sa siyudad kung saan ay may nabibiling magagandang halaman lalo na ang mga kakaibang uri ng cactus at succulent, mga air at water plants, mga indoor at outdoor plants. Dahil sa lockdown noong nakaraang taon ay nanatili sa kani-kanilang tahanan ang mga Pilipino at naging libangan ang asikasuhin ang paghahalaman. May iba ring gulay naman o makakain ang itinanim para may higit na pakinabang.
Maging sa Pilipinas, dahil sa mga sunud-sunod na lebel ng community quarantine, nakagiliwan na rin ang pamimili, pagpaparami at pagbebenta ng iba’t ibang uri ng halaman. Mayroon pa nga na dumarayo sa malalayong lugar o umaangkat sa ibang bansa upang makuha lamang ang mga kakaibang uri upang maidagdag sa kanilang koleksiyon. Ang Bulacan Plantliners naman ay grupo ng maghahalaman na personal na nangangalaga ng kanilang mga koleksiyon at may mga miyembro din sila na nagbebenta at nagbibigay din ng mga tips sa pangangalaga. Ang kinatutuwaan ngayon ay ang pagkokolekta ng halamang mayana na napakarami pala ng uri nito, parang mga succulent plants din na napakabilis paramihin. Ang mga halamang gaya ng gabe, San Francisco, pako, pothos at iba pa na dating pangkaraniwang matatagpuan sa mga bakuran, ngayon ay nabigyang-bihis at tumaas ang mga presyo. At dahil nga sa popularidad ng mga halaman ay meron na ring mga “plantnapper” o mga kumukuha ng mga halaman sa hindi nila bakuran o kaya ay sa mga kabundukan na ipinagbabawal ang pagbunot at pag-uuwi ng mga tumutubo dito.
Ang kapansin-pansin sa trend na ito ay ang pagbibigay-halaga ng mga Pilipino sa industriya ng agrikultura at hortikultura. Naging masigla kahit sa panahon ng pandemya bagamat naiwan ang presyo ng palay at naapektuhan ang produksiyon nito dahil tumaas ang halaga ng mga ornamental at may mga nagsimula nang gawin itong kumikitang pangkabuhayan. Ang mahalaga ay may napaglaanan ng panahon ang mga Pilipino habang may pandemya pa. Isang berdeng rebolusyon na pinalalaganap ng mga plantito at plantita. (ni: Dittz Centeno-De Jesus)