Ang Munisipyo, sa pamamagitan ng Glab: ay magbibigay ng mga impormasyon kung paano magiging ganap na Italyano at ang iba pang mga karapatan. Ito rin ay magiging lugar ng komprontasyon upang magkaroon ng network. Majorino: “Ang mga kabataang ito ay isang yaman para sa bansa at para sa ating lungsod, sa ngayon, ang batas ay dapat baguhin”.
Milan – Marso 25, 2013 – Tinatayang halos 50,000 ang mga kabataang nagtataglay ng citizenship ng kanilang mga magulang sa lungsod ng Milan. Ang tinatawag na Ikalawang Henerasyon, pawang anak ng mga imigrante na ipinanganak at lumaki sa ilalim ng anino ng Madonnina, na sa susunod na panahon ay magiging ganap na mga italyano.
Ang “G-Lab” ang bagong tanggapan na inilunsad ng Munisipyo sa Informagiovani na matatagpuan sa Via Dogana 2, ay nakalaan para sa kanila. Isang lugar kung saan maaaring matanggap ang mga impormasyon kung paano makakuha ng citizenship, maging bahagi ng network ng mga kabataan, makilahok sa pag-oorganisa ng mga cultural events at maging bahagi sa isang positibong paraan ng pamumuhay bilang ganap na italyano sa kabila ng kawalan pa rin ng karapatan hanggang sa kasalukuyan.
Isang note mula sa Munispyo ang nagpaliwanag na ang mga kabataan, maging ang kanilang mga magulang, ay maaaring makipag-ugnayan sa “G-Lab”, upang ibahagi ang kanilang mga karanasan at magkaroon ng masasandalan sa pagharap sa mga natatanging kondisyon ng pagiging dayuhan-italyano, sa pormasyon ng sariling pagkakakilanlan na karaniwang nahahati sa pagitan ng bansa ng mga magulang at ang pagnanais na maging mamamayang italyano tulad ng ilang kabataan. Ito samakatwid, ay maituturing na isang laboratoryo ng pagkamamamayan”.
Ang tanggapan ay bukas tuwing Miyerkules, Huwebes at Biyernes mula alas 2 hanggang alas 6 ng hapon (matapos ang school hrs), dito ang mga kabataan ay matatagpuan ang mga kabataang higit na nakatatanda sa kanila, na nagkaroon ng italian citizenship sa pagsapit ng eadd na 18 at sumailalim sa formation ng isang buwan sa Munisipyo: Sina Medhin Paolos, Hielen Tekeste Berhe, Nura Tafeche at Sumaya Abdel Qader, ang bumubuo sa G2 Network na kasama ng Munisipyo upang maisakatuparan ang proyekto. Isa ring email address ang inilaan sa nasabing proyekto: glab@comune.milano.it.
"Inihayag ng Pangulo Napolitano sa ilang mga okasyon ang pangangailangan na mapagtagumpayan sa lalong madaling panahon ang isang reporma laban sa panuntunan ng hindi makatarungang ius sanguinis, at ang sinumang ipinanganak sa Italya ay isang ganap na Italyano, anuman ang nasyonalidad ng kanilang mga magulang," ayon pa kay Pierfrancesco Majorino, ang Assessor ng Social Affair na dumalo at nagsalita sa inagorasyon ng nasabing tanggapan.
"Kailangang magsumikap tayong lahat – dagdag pa nito – hanggang ang mga kabataang ito ay matanggap ang kanilang karapatan hanggang sa karapatang bumoto. Sila ay yaman para sa ating bansa at para sa ating lungsod na dapat kilalanin at pahalagahan. Inaasahan namin, na ang susunod na gobyerno at ang bagong halal sa Parliyamento ay ibilang sa mga priyoridad ang pagpapatupad sa ius soli bilang panuntunan sa pagkakaroon ng citizenship”.
"Pinangalanan namin ng ‘laboratoryo’ ang serbisyong ito – paliwanag ni Nura Tafeche ng G2 – upang bigyang-diin ang paglikha o konstruksyon gayun din ang proseso ng kultura ukol sa tema ng pagkamamamayan at ang identidad na nais naming ibigay sa lahat ng magtutungo upang humingi ng mga impormasyon at magbabahagi ng kanilang mga karanasan. Doon ay aming ibibigay ang oryentasyon sa pamamagitan ng pagpapakilala ng mga serbisyong ipinagkakaloob na upang matanggap ang citizenship, gayun din ang mga karapatan sa edukasyon at sa trabaho.