in

Postal Voting, binatikos ng mga botante sa Italya

Bago tuluyang magtapos ang Postal Voting sa Italya ay dumagsa ang mga overseas voters sa Philippine Embassy Rome matapos ianunsyo ang Overseas Voting Advisory No. 16 – 2019 ng Comelec noong May 8, 2019.

Nasasaad sa advisory na binibigyan na ng pahintulot ang embahada sa pag-iisyu ng bagong balota sa mga botante na hindi natanggap ang kanilang mga mailing packets. Patunay lamang na sablay ang postal voting at marami ang hindi nakatanggap ng mga balota!

Sa katunayan, binuksan ng Embaha ang garden nito simula Biyernes at pati ang parking space nito noong Sabado at Linggo upang harapin ng embassy staff ang mga nagre-request na botante ng bagong balota upang makaboto.

Kasabay ng lakas ng buhos ng ulan kahapon, araw ng Linggo ay ganoon din kalakas ang pagnanais ng mga botante na makaboto. Natuluyang magsiksikan ang mga botante sa consular waiting area, nang papasukin ang mga ito sa pagbuhos ng malakas na ulan.

Walang privacy, dikit dikit, nagbubulungan at halos magkopyahan ang mga botante sa kanilang pagboto. Patuloy ang batikos ng mga botante.

Kakulangan ng impormasyon kasabay ng hindi angkop na sistema ng postal ng voting”, ayon kay Egay Bonzon, isang aktibong Ofw sa Roma.

Siguradong bagsak ngayong taon ang bilang ng mga botante, maraming made-disenfranchise, maraming balota at boto ang masasayang at higit sa lahat sayang ang malaking halagang ibinayad sa posta. Ilang balota rin kaya ang darating makalipas ang 12pm, ang pagtatapos sa pagtanggap ng mga ballot returns, maaaring via posta at via abot na masasayang lang”, dagdag pa nito.

Si William Samonte, tubong Cainta, taga Roma ay isa lamang sa daan-daang  hindi nakatanggap ng balota dahil hindi updated ang address sa listahan ng Comelec.

Kapansin-pansin din ang paikot-ikot at hindi mapalagay sa embahada na si Arnold Noche, tubong Lemery at mula pa sa Ancona, at miyembro ng BTMC – Batangas Tropang Moving Club.

Nagboluntaryo po akong magdala ng mga balota dito sa Embassy, higit po ang mga ito sa 50 ballots, kasi kung ime-mail pa namin ay hindi na aabot ang mga ito sa bilangan. Sariling gastos ko. Pero hindi ko mai-submit sa kanila dahil may ilang katanungan po ako at nais ko munang marinig ang kanilang sagot. Ilang balota sa hawak ko ang may pare-parehong Ballot ID No. Maigsing paliwanag lamang po ang hinihiling ko”.

Sinikap ng Ako ay Pilipino na mahingi ang opinyon ng embahada kahapon sa isang panayam, ngunit ito ay muling hindi napaunlakan.

Bagaman, nahirapan sa bagong sistema, maraming ofws pa rin sa Italya ang nagpakita ng pagpapahalaga sa ipinagkaloob na karapatan bilang Pilipino. Panawagan lamang ay isang angkop at mas maayos na sistema.

Ang sistemang ito ay hindi pwede sa 2021 presidential elections!”, pagtatapos ni Egay Bonzon.

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

INA, dakila ka!

Assegni al nucleo familiare at maternità na ibinibigay ng mga Comune, bahagyang tumaas ngayong 2019