Isang 41 anyos na caregiver at isang 31 anyos na kliyente nito ang inaresto sa naganap na ‘abutan’ ng shabu.
Bologna, Enero 4, 2012 – Ilang araw pa lamang ang nakakalipas matapos i-report ng mga residente ng Borgo Panigale ang kahina-hinalang dating at alis ng mga di-kilalang mamamayan sa pulisya. Di nag-atubiling nagpatrol ang mga ito bilang tugon sa inihaing reklamo ng mga residente.
Ayon sa report, hindi nagtagal, bandang 11:30 ng Dis 30, ay namataan ang 2 Pinoy na nag-abutan ng isang maliit na bagay na nakabalot sa foil.
Mabilis na kumilos ang mga awtoridad dahil sa kahina-hinalang kilos ng dalawa. Isang 41 anyos na caregiver ang nahuling may dalang brass knuckles habang ang kliyente nito, isang 31 anyos na Pinoy, residente sa Bologna naman ay may dalang shabu, na itinuturing na pinakamahal na uri ng drugs at nagkakahalaga ng 400 euro kada gramo.
Mabilis na ni-raid ang tahanan at kinumpiska ang natagpuang shabu na nagkakalahaga ng 3.850 euros. Ang nakakatandang Pilipino ay sinamaan ng pakiramdam at isinugod sa Sant'Orsola, ang pinakamalapit na ospital, kung saan ito na-confine.