in

Bagong pamunuan ng PIDA, nanumpa

Roma, Enero 2, 2015 – Ginanap ang oath taking at induction ceremony ng mga bagong halal na opisyales ng PIDA o Philippine Independence Day Association sa Sta. Pudenziana Basilica, Via Urbana noong nakaraang December 18. 
 
Ito ay sinimulan sa pamamagitan ng pagdiriwang ng banal na misa sa pangunguna nina Fr. Ricky Gente at ni Msgr. Jerry Bitoon. 
 
Isinagawa ang panunumpa matapos ang misa. Ito ay pinamunuan ni Charges d’Affaires Leila Lora-Santos ng Embahada ng Pilipinas. 

 
 
Ayon kay Auggie Cruz, ang bagong halal na presidente, “Wala ng iinam pa sa panunumpa sa tungkulin sa harap ng ating Panginoon”. Kasabay umano ng panunumpa sa loob mismo ng simbahan ay ang pagtanggap ng grasya buhat sa itaas upang maging mas epektibo at tapat ang kanilang paglilingkod sa komunidad upang maabot ang mga layunin ng PIDA, dagdag pa ng presidente.
 
Sinundan ang oath taking ng maigsing programa at salu-salo. Maraming dumalo at nakiisa sa pagdiriwang; kabilang ang kinatawan buhat sa POLO OWWA, ang dating pamunuan at mga filcom leaders. Buong suporta naman ang ipinangakong tugon ng mga panauhin.
 
Ang bagong pamunuan ay walang pag-aatubuling sisimulan ngayong Enero ang kanilang panunungkulan. Sa katunayan, nag-aanyaya ang pamunuan sa regular na pagpupulong tuwing ikatlong Huwebes ng buwan sa Social hall ng Embahada ng Pilipinas simula sa nalalapit na January 15. 
 
Bukod dito, mainit rin ang panawagan ng mga ito sa lahat ng grupo at mga asosasyon sa pagsusumite ng kani-kanilang constitutions, by laws at logos na gagamitin sa hindi lamang sa paga-update ng PIDA directory bagkus pati sa paga-update ng membership. Ito ay upang maging maayos at mabilis din ang komunikasyon ng gagawing paghahanda sa selebrasyon. 
 
Inanunsyo rin ng PIDA ang posibleng paglipat sa venue ng taunang selebrasyon. Ito ay upang mabigyang pagkakataong makibahagi ang mas malaking crowd, mas maraming asosasyon at grupo. Ang pagdagsa ng mga participants taun-taon ay isa sa mabigat na suliraning hinaharap ng PIDA ng ilang taon na. 
 
Sa inyo pong lahat, maraming, maraming salamat po sa inyong pagtitiwala at harinawa ang pagsisilbi ng bawat isa sa amin ay maging makaDiyos, makabayan at makatao. Kinakailangan po nating lahat ang pagkakaisa, pagmamahalan at pagtutulungan kahit saan mang sulok ng Pilipinas tayo nanggaling at itaas natin ang ating pagiging Pilipino na magbibigay ng karangalan sa ating bayan”, pagtatapos ng pasasalamat ng buong pamunuan sa kanilang fb account. 
 
 
Ang PIDA o Philippine Independence Day ay opisyal na itinatag at inirehistro noong February 2009. Pangunahing layunin nito ang maging matagumpay ang paghahanda at pagdiriwang ng taunang selebrasyon ng Araw ng Kalayaan sa tulong ng local institutions (tulad ng Roma Capitale – noo’y Comune di Roma, ex-Municipio II, AMA, ng mga ex-Consiglieri Agguinti), ng Embahada ng Pilipinas at ng buong Filipino community, ng business sectors, at ng iba’t ibang grupo at asosasyon ng mga Pilipino. Bagaman sinimulan ang taunang pagdiriwang sa Piazza Ankara ng 2007, matapos mai-rehistro, ay naging bahagi ng yearly cultural calendar ng ex-Municipio II ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan tuwing ikalawang linggo ng Hunyo. Samantala, sa mga naunang taon naman ay ipinagdiwang ito sa Saints Peter and Paul ground, Collegio Filippino at Ergiffe hotel
 
ulat ni: PGA
larawan ni: Gigi Borromeo at Corazon A. Rivera
 
 
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Bagong Taon na! Kailangan ba ng New Year’s Resolution?

Opisyal ng Bicol Saro, nanumpa ng paglilingkod