Marahil ay naaalala pa ng mga taga-Bologna ang BALIK SA BASIK with RENEE SALUD, taong 2017, nang sa probinsiyang ito ginanap ang ikalawang edisyon ng pang-kultural na fashion show at paligsahan kung saan ay nanalo bilang Lakambini ng Kulturang Pilipino si CELESTE CORTESI, ang Bb. Pilipinas-Universe na kumatawan sa ating bansa sa MISS UNIVERSE Beauty Pageant ng taong 2022.
Sa ikatlong edisyong ito ng Balik sa Basik, ang awtor nito na si MARIAN LAARNI SILVA, ay magbabahagi ng mga espesyal na kasuotang pambabae at panlalaki na likhang muli ni RENEE SALUD, ang Fashion Ambassador ng ating bansa, kasama ang fashion director na si CATA FIGUEROA. Sa edisyon ding ito nakasama sina (a) GAZINI GANADOS – Miss Universe Philippines 2019 & Miss Universe 2019 Top 20, (b) MA. KATRINA S. LLEGADO – Miss Universe Philippines 2022- 2nd runner-up, Reina Hispano-Americana 2019 4th runner-up, (k) ELAINE KAY MOLL – Bb. Pilipinas-Supranational 2012 & Miss Supranational 2012 3rd runner-up, at (d) SHAIMAA AL NAJJAR – Miss Northen Samar. Kabilang din sa grupo nila sina ARNEL CALUGAY – professional model, DANILO CAYSIP, JR. at AJ ARCULIN, bilang mga seamster.
Nitong ika-30 ng Setyembre , ginanap na ang unang pagtatanghal nito sa Venice, katuwang ang local organizer na si NESS BRUCE ARAJA at ang kanyang Ness Events Team. Dito ay nagkaroon ng mahalagang papel ang mga kabataang lalaki at babae upang siyang magsuot ng mga likhang kasuotan ni Renee Salud at tampok ang magagandang habing-Pilipino.
Idinaos naman sa Milano ang ikalawang pagtatanghal nitong ika-7 ng Oktubre, 2023, katuwang ang local organizer na ATHEA COUTURE ni JOCELYN GACAD, kasama rin sina ROLLY MONTOYA at CHERRY ANN FERRER SAGUN.
Ang ikatlong pagtatanghal naman ay sa Roma , sa ika-14 ng Oktubre, 2023, na ang local organizer ay ang CREATIVE MINDS ni JAIANE HAWAK MORALES, kasama si MALDITA FATE.
Ang BALIK SA BASIK 2023 ay nagkaroon ng katuparan sa suporta din mula kay MAYOR VINCENT ARJAY M. MEA ng Tiaong, Quezon at ng IMG (International Marketing Group).
Ang BALIK SA BASIK ay mula sa malikhaing pagkonsepto nila Laarni Silva at ED BANSALE, na may layuning maipakilala ang kultura sa mga kabataang Euro-Pinoy, upang maunawaan , matanggap at maipagmalaki ang pagiging Pilipino sa pamamagitan ng pamanang anyong-habi mula sa disenyo at kasanayan ni RENEE SALUD.
(ni: Dittz Centeno-De Jesus – Emilia Romagna)
Mga Litrato: Balik sa Basik 2023