Ginanap noong nakaraang April 30 ang masayang pagdiriwang na nakaugat sa pananampataya, kultura at kasaysayan ng Pilipino. Ito ay ang Barrio Fiesta sa Roma na layuning maipamulat at maipalaganap ang angking yamang kultura ng Pilipino sa Italya. Ang maisalin ang kulturang ito sa susunod na henerasyon tungo sa epektibong pagsasama o integrasyon sa kultura ng bansang Italya. Ito ay sumalamin sa tradisyon sa pamamagitan ng pananampalataya, awit, sayaw, arte, sining, kasuotan, kaugalian, laro at mga pagkaing tampok sa espesyal na araw. Lahat ng nabanggit sa iisang araw ng pagdiriwang!
Binuksan ang ikalawang edisyon ng Barrio Fiesta sa pamamagitan ng banal na misa na pinamunuan ni Fr. Aris Miranda. Sinundan ito ng prusisyon, sa saliw ng tugtog ng Divine Word Ensemble mula Cisterna.
Nagpatuloy ang opening ceremony sa grounds ng Collegio Filippino, sa pamamagitan ng mga panauhin na sina Vice ConsulAndrei Bauzon ng PE to Italy at Consul Charlie Manangan ng PE to the Holy See. Pinaunlakan rin ng maraming kaparian at mga madre, ng business sector kasama na rin ang buong Filipino Community sa Roma.
Tampok ang layuning maipagmalaki at maipakilala ang sariling kultura sa pamamagitan ng sayaw at kasuotan, ay ipinamalas sa ginawang patimpalak ng Street Dancing ang Kadayawan Festival ng West Cluster, na syang nagwagi sa patimpalak. Sinundan ng Sinulog Drum Beat sa Cebu ng Center Cluster, ng Panagbenga Luzon ng North Cluster at ng Pag-Apir Muslim Fan Dance Mindanao ng East Cluster.
Nagtampok ng makukulay na kasuotan ang ipinamalas na T’boli Tribal Dance ng Pinoy Guro EU students, ang Leron Leron Sinta at Kalesa ng Pinoy Teens Salinlahi, ang Subli, Karatong at Bulaklakan ng Kalahi Performing Arts Group.
Nagkaroon rin maikling pagpapamalas ng Maria Clara Dress Fashion Show ng Ginang Pilipinas – Italia.
Dahil sadyang mapagmahal sa musika ang mga Pinoy ay hindi nawala ang Choral Presentation mula sa San Raffaele Archangelo Choir. Sinundan naman ng duet song nina Matt Joshue Magmanlac Adem at Krizia Magmanlac Francisco.
At dahil bahagi rin ng layunin ang maipamalas sa ikalawang henerasyong migrante Pilipino ang diwa ng fiesta, sabay-sabay na naganap ang mga Palaro at Patimpalak sa naturang okasyon.
Tinanghal na kampyon sa Calcio tournament ang North Cluster Kickers. Sinundan naman ng San Giuseppe Community. Sa Basketball Triangular Match ay nag-champion ang Young Blood at pumangalawa ang Pinoy Guru EU. San Pedo Calungsod Community naman ang nanalo sa Basketball Exhibition Match.
Nagkaroon ng mga traditional games tulad ng hataw sa palayok at tumbang lata ni Lando Mendoza.
Sa larangan naman ng martial arts ay hindi mawawala ang makikisig na kabataan ng Black Squadron.
At siyempre pa, hindi rin nawala ang Bingo kung saan lahat ng mga dumalo ay nakiisa at nakisaya.
Ginanap rin ang awarding bilang pagkilala sa natatanging kaalaman at husay sa mga laro at patimpalak.
Para sa ikalawang taon ay inilusad din ang Logo Making Contest upang magkaroon ng opisyal na logo ang Barrio Fiesta. Sa pamamagitan ng isang komite at sa tulong ng mga hurado, ay nagwagi si Rolly Gregorio sa loob ng 12 lumahok.
Bukod dito ay nagkaroon din ng Recycled Arts Competition at nagwagi si Nelly Cabillon. Layunin nitong bigyang halaga kahit ang mga bagay na inaakalang wala ng halaga bagkus ay maaari pa ring maging kapaki-pakinabang.
Nagwagi naman ang East Cluster sa ginawang Best Bahay Kubo contest.
Nagkaroon din ng Filipiniana at Philippine themed photoshoot ang Pinoy Photographers Club in Rome o PPCR.
Bago tuluyang magtapos ang pagdiriwang, hindi alintana ang matinding sikat ng araw ay ipinamalas rin ang modernong bahagi ng kulturang Pinoy: ang Fitness dance at Zumba kung saan ang mga kabataan at hindi, lalaki at babae ay sabay-sabay na umindak sa mabilis na tugtugin ng magkasamang sayaw at ehersisyo partikular ang aerobics.
Maraming nakibahagi at nakiisa sa matagumpay na pagdiriwang. Lubos naman ang pasasalamat ng mga organizers na pinangungunahan ng Sentro Pilipino Chaplaincy Roma sa pamamagitan ni Fr. Ricky Gente, CS, at pakikipagtulungan ng Socio Cultural, Health at Sports Minsitry ng SPC sa pamamagitan ng Chairperson na si Cynthia dela Cruz at Vice Chair na si Victor Salloman. Ang Spiritual Advisers na si Fr. Aris Miranda at ang mga committees ay pinangungunahan naman ng mga head ng 5 Clusters (north, east, south, west & center) partikular ang program committee sa pangunguna ni Lina Maliglig kasama ang mga naging emcees ng pagdiriwang na sina Pia Gonzalez, Leo Maliglig, Katherine Castillo at Matt Adem.
PGA