Agosto 21, 2011, araw ng Linggo, habang ang Italya ay kasalukuyang nakakaranas ng matinding init ng panahon dahil sa tinatawag na “caldo africano” – mainit na temperatura dahil sa mainit na ihip ng hanging nagmumula sa disyerto ng Sahara, sa araw ding ito naganap ang pinakamainit na okasyon para sa mga Pilipinong naninirahan sa siyudad ng Terni. Matatawag na “caldo record” din ang tagumpay na resulta ng “The Search for Binibining Pilipinas – Terni 2011”. Ang layunin ng nasabing patimpalak ay hindi lamang upang ipakita sa mga Italyano at maging sa mga ibang lahi ang angking kagandahan ng mga Pilipina. Layunin din ng okasyong na ipamalas ang yaman ng kulturang Pilipino at ang taglay nitong mga talento at kakayahan na tunay naman na masasabing pang “world class.”
Ang “The Search for Binibining Pilipinas-Terni 2011” ay isang proyektong kultural na pinamunuan ng San Francesco Filipino Community.
Ang mga finalists ng Binibining Pilipinas-Terni 2011 Grand Coronation Night ay kinabibilangan nina Bb. Rhoxane Corona, Bb. Cristelle Antenor, Bb. Carla Candelaria at Bb. Maria Lory Grace Garcia. Apat na mga naggagandahang Pilipina na lalong nagpatingkad sa angking ganda ng mismong venue ng koronasyon, ang Anfiteatro Fausto.
Ang Anfiteatro Fausto, ang makasaysayang Roman amphitheatre, venue ng isang event sa kauna-unahang pagkakataon.
Isang napakalaking karangalan para sa komunidad ng mga Pilipino sa Terni ang makapagdaos ng isang malaking okasyon sa isa sa itinuturing na importanteng archeological site ng Terni, ang Anfiteatro Fausto sa Via del Vescovado. Ang nasabing teatro ay naitatag noong 32 d. C., ayon sa ordine ni Fausto Liberale sa panahon ng pamamahala ni Emperador Tiberio. Ang teatrong ito ay dating nakakapaglulan ng mga 10,000 katao at itinuturing na kakaiba kung ikukumpara sa iba pang amphitheatres na matatagpuan sa rehiyon ng Umbria. Ang pangunahing materyal na ginamit sa pagpapatayo nito ay ang tinatawag na “pietra sponga delle Marmore” (sponge stones from Marmore), isang uri ng limestome na karaniwang matatagpuan sa paligid ng Marmore Falls.
Ang Mga Panauhing Pandangal
Naging panauhing pandangal ng nasabing okasyon sina Consul Leila Lora-Santos, Chargè d’Affaires ng Embahada ng Pilipinas, upang magbigay ng “Inspirational Talk”. Sa parte naman ng politikong Italyano, nagbigay ng pahayag ng pagbati at pasasalamat si Hon. Mario Andrea Bartolini, Presidente ng asosasyong Centro Volta at Associazione Anziani e Immigrati per L’Integrazione. Nakita ring dumalo ang Assessore alle Politiche Sociale ng Comune di Terni, si Assessore Stefano Bucari. Nakisaya rin sa okasyon ang mga Presidente ng iba’t-ibang asosasyon ng mga iba’t-ibang lahi ng mga migranteng mangagawa sa Terni mula sa Polonia, Namaste, Bangladesh at Tunisia.
Muling nagpamalas ng kani-kanilang talento at kakayahan mula sa pag-awit at pagsasayaw ang mga local talents ng komunidad: The Chapter One Band, The Little Terni Dancers, Mr. John Kerbie Mariano, Mr Pater Candelaria, Ms. Ailyn Pasia, Ms. Angel Capadosa at Mr. Alfonso R. Salem, Jr. May mga naanyayahan ding performers mula sa Roma na kinabibilangan nina Ms. Josette Aurelio, na nagpakita ng kanyang natatanging angking kakayahan sa pagtugtog ng piano organ at ang grupong Kwatrongsulok na nagpamalas naman ng kanilang kahusayan sa isang “hip-hop” rap song number.
Ang Binibining Pilipinas-Terni 2011: Bb. Maria Lory Grace Garcia.
Para sa ating mga Pilipino, ang beauty pageant ay naging parte na ng ating kultura. Katulad ng boxing at basketball, malaking pagpapahalaga ang ibinibigay nating mga Pilipino dito saan mang dako ng mundo tayo naroroon. Malaking karangalan din ang tinatamo ng isang kandidatang nanalo sa isang beauty contest. Karaniwan na silang binibigyan ng malaking importansya sa lipunang kanilang kasalukuang ginagalawan.
Halos 9:30 na ng gabi nang opisyal na tanghaling Binibining Pilipinas-Terni 2011 si Bb. Maria Lory Grace Garcia, ang kandidatang ipinanganak sa Solo, Mabini, Batangas. Sa kanya nakita ng mga hurado ang mga katangiang dapat na tinataglay ng isang dalagitang Pilipina – elegante, matalino at malaki ang tiwala sa kanyang sarili. Ang mga katangiang ito ang angad na nagpalutang sa kanya sa iba’t-ibang major competitions ng contest. Kaya naman hindi kataka-taka nang kanyang matanggap ang iba pang major awards ng contest katulad ng Best in Evening Gown, Best in Filipiniana at Best in Talent. Sa kanyang pagkakapanalo bilang Binibining Pilipinas-Terni 2011, awtomatiko siyang nahirang bilang Ambassadress of Goodwill ng mga migranteng Pilipino na nasa siyudad. Siya ay inaasahan ding magiging salamin o “role model” ng mga kabataang Pilipino na nasa ibang bansa – magalang, masunurin sa mga magulang, mapagmahal sa Inang Bayan, may tiwala sa kanyang kakayahan at higit sa lahat may malaking takot sa Diyos.
Napakalaki ng pasasalamat ng San Francesco Filipino Community ng Terni sa iba’t-ibang establishments na naging mga sponsors ng koronasyon: FILINVEST ROME, SM Residences, DMCI Homes, EUROPHIL Sea/Air Cargoes, IMG – International Marketing Group, BAYANIHAN Enterprises, Ms. Anna de Leon at POLO Rome. (ni: Rogel Esguerra Cabigting)