Patuloy ang misyon ng Task Force Covid19. Isang webinar ang ginanap kamakailan para sa mas malalim na kaalaman ukol sa Covid19 at bakuna.
Sa pagtatapos ng buwan ng Pebrero, petsa ika-28, taong 2021, ay nagdaos ng isang webinar ang Task Force Covid19 sa pamumuno ni Nonieta Adena sa ilalim ng OFW Watch Italy. Ito ay pinamagatang “Insights for Understanding the COVID19 and Vaccine” na ang resource speaker ay si Dottoressa Anna Rubartelli. Dumalo rin sa webinar na ito sina Consul General Bernadette Therese Fernandez, POLO Labor Attache Corinna Bunag, OWWA Welfare Officer Lynn Vibar, Genova Consiglieri Comunale Sgra. Cristina Lodi, Signor Andrea Chiappone at mga FilCom leaders. Ang naging moderator ay si Quintin Cavite.
Sa unang bahagi ay tinalakay ni Dott. Anna Rubartelli, isang mananaliksik at siyentipiko, ang ukol sa virus na nagdulot ng pandemya sa buong mundo. Ipinakita niya sa pamamagitan ng mga ilustrasyon ang komposisyon ng virus at kung paano ang magagawa ng bakuna upang maging mabisang prebensiyon sa pagkakasakit. Ipinaliwanag din niya na ang pagkabakuna ay maaaring magkaroon ng maliit na bahagdan lamang ng severe allergic reactions base sa mga trial. Mayroon ding tatlong variants na lumitaw, ang English, South African at Brazilian. Nabanggit din niya ang Moderna vaccine ay epektibo na rin sa bagong variant na natuklasan at puede ring gamitin ito na booster shot.
Ang ikalawang bahagi ay ang pagtatanong na ng mga partisipante na malinaw naman na nasagot ng tagapagsalita. Ilan sa mahahalagang katanungan ay: Ano ang pinagbasehan ng mataas at mababang effectivity ng mga bakuna? Ang sagot niya ay base daw sa trial na ginawa at doon kinuha sa bilang ng tao na nakatanggap na nito.
Ang swab test ay isa lamang diagnostic test, para malaman ang presensiya ng virus. Upang masukat ang anti-bodies, kailangan ang immunoglobulin test o blood test.
Kinakailangan na kumpleto ang dalawang dosis na matatanggap upang maging mas epektibo ang bakuna. Dahil makaraan ang ilang linggo pagkatapos ng una, ang tumanggap ng bakuna ay magkakaroon ng anti-bodies na lalaban sa virus at ang ikalawang dosis ang magpapatibay sa presensiya nito sa katawan ng tao.
Ang virus ay may natural selection kaya nagkakaroon ng mutation at nagiging new variant sa kinaroroonang lugar. Kaya mainit o malamig man ang lugar ay kaya nitong manatili.
Ang bakuna ay di pa nasubukan sa edad na mababa sa 18, dahil sa ang mga kabataan ay may sapat na anti-bodies laban sa virus kaya di sila kasama sa prioridad na dapat bakunahan. Ang mga bata ay kabilang sa “low at risk” dahil sa mababa ang kanilang ACE2 protein na nagsisilbing daan ng virus patungo sa airway cells. Ngunit may sitwasyon na rin na ang mga bata at kabataan ay naapektuhan ng new English variant ng virus. Dangan nga lamang at wala pang clinical tests para sa kanila.
Ang pagbabakuna ay hindi naman ginawang obligatoryo dahil sa bansang may demokrasya ay nasa pagpapasiya ng mamamayan kung gusto magpabakuna o hindi at kung aling bakuna ang nais niya.
Sa sitwasyon ng mga Pilipino dito sa Italya, nabanggit ni OWWA Welfare Officer Lynn Vibar, ang datos base hanggang nitong Pebrero, taon 2021, at sa report ng OWWA, sa sakop ng hurisdiksyon ng Konsulato ng Milan. Ang bilang ng mga namatay dahil sa Covid19 ay 31, ang nagpositibo ay 959, ang PUI o persons under investigation ay 1215 at ang nagsigaling na ay 1857. Ito ay kanilang ibinase sa mga isinumite sa OWWA na aplikasyon para sa COVID After Care Program at sa mga humingi ng tulong para sa repatrasyon ng labi ng nagkasakit.
Sa pagtatapos ng webinar, naging malinaw ang maraming haka-haka ukol sa COVID19 at sa bakuna. Nagkaroon din ng maliwanag na pang-unawa sa virus at sa dulot nito sa katawan at kung paano ito masasagkaan na makapasok sa ating sistema.
Sa pagkakaroon ng bakuna, di pa rin ganap na protektado sa virus dahil may tsansa pa rin na maapektuhan ng panibagong variant na lilitaw. Kaya ang mahalaga ngayon ay ang pag-iingat at pagpapalakas ng resistensiya.
Ang Task Force Covid19 ng OFW Watch ITALY ay magpapatuloy sa kanilang gawain na makapagpalaganap ng mga mahahalagang impormasyon at makatulong sa mga kababayan para sa kanilang kagalingan at pamumuhay sa gitna ng pandemyang global dulot ng COVID 19.
(Dittz Centeno-De Jesus)