Sa papalapit na pagtatapos ng Postal Voting sa Italya ay patuloy ang pagbaha sa social media ng mga angal, galit, dismaya pati na rin ang pag-aalala ng mga botante kung mabibilang ba ng maayos at hindi masasayang ang kanilang boto.
Kaugnay nito, patuloy din naman ang paglabas ng mga advisory, paalala at mga tips mula sa mga institusyon, asosasyon at mga indibidwal upang pahalagahan ang karapatang ipinagkakaloob para sa isang magandang kinabukasan ng ating bansa. Kabilang na dito ang kalalabas lamang na advisory mula sa Comelec na maaari ng bumoto ang mga Pilipino sa Embahada at Konsulado na hindi nakatanggap ng balota via posta. Ito ay kanilang ire-request upang isyuhan ng bagong balota para makaboto.
At kasabay din nito ay patuloy na naglalabasan ang patunay na pagsablay sa sistema ng postal voting. Bukod sa napakaraming hindi ito natanggap dahil na rin sa papalit-palit na address ng mga Pilipino bukod pa sa hindi updated na listahan ng Comelec, ay may ilang report ukol sa pagtanggap ng ilang botante ng higit sa isang balota sa magkakahiwalay na envelopes. Hindi isa, hindi lamang dalawa at ang nakakalungkot, ang ganitong mga kaso ay siguradong hihigit sa tatlo.
Ang mga ito ay inilapit sa Ako ay Pilipino na syang idinulog naman sa ating Ambasador sa pamamagitan ng isang katanungan.
“Ano po ang dapat gawin ng isang registered voter sa pagtanggap ng dalawang balota? Ito ba ay dapat ikabahala ng Pinoy?”
Narito ang kasagutan:
“Please be informed that the Embassy has not verified the said report and so far, no voter has come forward to execute a Sworn Affidavit to attest to this. If indeed said allegation is true, the same procedure would be done as what happened last 14 April 2019 when a voter manifested that he found two ballots inside his mailing packet.
In any case, assuming for the sake of argument that the a voter, in bad faith, votes on those two ballots, both of the ballots would be declared invalid and would not be counted as the Special Ballot and Custody Group (SBRCG) and Special Board of Election Inspectors (SBEI) has mechanisms to detect double voting (i.e., verification of signature, assigned ballot no, paper seal no. etc)”.
Dahil sa mga nabanggit, patuloy ang sigaw ng mga Pilipino sa Italya na ang postal voting, “ay hindi angkop na pamamaraan ng pagboto at dapat ibalik ang personal voting sa Italya”.
Gayunpaman, sa 33,931 mga registered voters sa jurisdiction ng Rome, at 27,628 na registered voters sa North Italy, ating abangan at bantayan ang kabuuang bilang ng mga makakaboto sa Italya.