Isa na namang hindi magandang balita ang kumalat ngayon sa lungsod ng Firenze kung saan sangkot ang isang Pinay dahil umano sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.
Ang pagkakahuli ng suspek isang linggo na ang nakakalipas ay bunga ng mas pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad sa rehiyon ng Toskana, lalo na sa mga malalaking lungsod dito. Hindi lamang mga nakaunipormeng alagad ng batas ang tumutugis sa mga may masasamang loob kundi pati na rin ang ilang mga special teams na kalimitan ay nakasibilyan at may mga kasamang detection at sniffer dogs.
Huli sa akto ang Pinay habang nagbebenta ito ng shabu sa kapwa Pilipino. Sa mas detalyadong imbestigasyon ay lumabas na ang suspek ay galing umano sa kanyang lugar na pinagtatrabahuhan, isang kilalang school of fashion. Agad na pinuntahan ng mga kapulisan ang naturang istituto. Dala ang search warrant, at pinabuksan ang ilang bahagi nito. Habang isinasagawa ang pagsisiyasat, namataan ng mga ito ang isang Pinoy na papalabas ng gusali at nahulihan din ito ng droga. Ayon sa huli, ang ilang dosis ng shabu ay binili umano sa suspek na Pinay. Napag-alaman din na ang mga ito ay malimit mag-inuman at mag-jamming sa isang bahagi ng istituto, na naging tagpuan na rin ng pusher at ilang suki.
Natagpuan sa malapit sa lockers ang mga bote ng beer, ilang pakete ng shabu, at mga tira-tirang pagkain. Ang 40-anyos na suspek ay sinampahan ng kasong paglabag sa dekretong anti-droga 1990-n° 309. (Quintin Kentz Cavite Jr.)