Roma , Oktubre 29, 2014 – Ika-5 ng Oktubre, kitang kita sa siksikan at dami ng tao sa tanggapan ng Umangat-Migrante ang tagumpay ng kanilang ikalawang edisyon ng Filipino Food Fair.
Menudo, adobo, ginataang-pusit, laing, palabok, kare-kare, pakbet at dinuguan – iilan lamang ang mga ito sa mga ulam na inihain. Syempre, hinde rin mawawala ang star ng handaan – ang lechon baboy. Mayroon ding ilang kakanin para panghimagas gaya ng piche-piche at sapin-sapin.
Sa isang panayam sa head of Umangat-Migrante, Women's Committee na si Virgie Ilagan Reyes ay hinde rin naging ganoong kadali ang pag-organze ng ebentong ito. “Nangalap kami ng sponsors na pwedeng mag-donate ng kanilang mga katutubong pagkain para sa Food Fair na ito”. Dagdag pa ng Chairwoman ng Umangat-Migrante na si Rowena Flores Caraig “Nakasulat sa mga sponsorship letter na kung pwede, every sponsor ay makapag-donate ng pagkain for atleast 20 persons. Mayroon kaming 20+ sponsors this year at mostly ay mga may catering. Another thing is to promote na din yung catering service nila.”
Matapos ang kanilang kauna-unahang food fair noong nakaraang taon, kanilang inasahan ang pagdumog ng tao para sa taong ito. Ani ni Ms. Virgie “Actually napakamahirap mag-organize, hindi madali. Pero nakita natin, kapag pala pagkain talagang dinudumog ng Pinoy yan.”
Mula sa 100 na bisita noong nakaraang taon, humigit kumulang 250 na katao ang dumalo at nakibahagi sa ikalawang Filipino Food Fair. Layunin din ng grupo na maipamalas ang galing ng mga Pilipino sa pagluluto ng mga iba't ibang pagkain mula sa kani-kanilang mga lugar sa Pilipinas. Sa halagang €3 ay matitikman ang iba't ibang katutubong pagkaing Pinoy.
Hindi lang mga Pinoy caterers ang nagpaunlak ng tulong kundi pati mga indibidwal na Pinoy ay namahagi ng kanilang pagkain para sa event. Ani ni Ms. Rowena, “may mga individuals din na nag-donate kaya nakakatuwa dahil hindi lang mga caterers ang sumuporta sa Filipino Food Fair na to kasi may mga individuals na talagang tumatawag para magvolunteer.Nakakatuwa ung mga Pinoy na willing sila at bukas ang kanilang mga puso nila magbigay ng kanilang mga pagkain.”
Ayon na rin kay Ms. Rowena na sa Filipino Food Fair na ito ay hindi lamang para maibahagi ang sarap ng Filipino cuisine dahil “pinaka-expect namin ay ang mahigpit na pagkakaisa ng mga kababayan natin dito sa Roma at gayun din ung nagkakakilanlan sila dito. Kami nakikilala namin ang mga tao at nakakasalamuha namin ang bawat migranteng Pilipino dito sa Roma.”
Hindi kataka-takang dudumugin nga ng mga Pinoy sa Roma ang natatanging Filipino Food Fair. Mula sa mga kababayan nating dumalo na aming nakausap, kanilang inaasahan na sa susunod na taon ang panibagong food fair mula sa Umangat-Migrante.
Jacke de Vega