in

Firenze nagpugay sa bandila sa ika-120 taong anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas

Mabuhay ang kalayaan ng Pilipinas! Ito ang mga unang katagang binanggit ng mga Emcees sa pagbubukas ng pagdiriwang ng kasarinlan ng Pilipinas sa Firenze.  Araw na binasbasan ng magandang sikat ng araw at makulay na kasuotan ng mahigit sa 400 daang kababayang nakilahok sa napakahalagang pagdiriwang na ito sa taong 2018. Isang araw na pinakahihintay ng mga taga Toskana makalipas ang ilang buwang paghahanda para sa itinuturing na “pista ng mga pista” ng mga pilipino sa nabanggit na rehiyon.

Natatangi, mahalaga at makahulugan ang araw na ito sa kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas sapagkat ipinagdiriwang natin ang ika-120 Taon Anibersaryo ng ARAW NG KALAYAAN. Sa sambayanang Pilipino, isang dakilang araw ito na nagpapahalaga sa mga alaala at nagawa ng ating mga bayaning namuhunan ng buhay, talino, pawis, dugo at sakripisyo sa ngalan ng Kalayaan.

Sa patnubay ng Program Director na si Willy Punzalan at pangunguna ng tatlong emcees na sina Quintin Cavite Jr., Arlene Abutin, at Judee Barcenas, ang pagdiriwang ay opisyal na sinimulan bandang alas 11 ng umaga. Pagkatapos ng parada ng bawat asosasyon na nakiisa ay nagtipon tipon ang lahat sa gitna ng Campo Sportivo Assi Giglio Rosso sa Firenze. Ipinamalas ng lahat ng dumalo ang pagmamahal sa bansa sa pagbibigay pugay sa bandila kasabay ang himig ng lupang hinirang na sinundan ng Panunumpa sa watawat.

Umikot ang pagdiriwang sa central theme na “Kabataan, pamilya, at sambayanan: sama-sama sa minimithing kapayapaan”. Sa inspirational speech ng butihing ama ng komunidad ng toskana na si Consul Fabio Fanfani, kanyang pinasalamatan ang mga pilipinong nakikita niyang laging handang magbigay ng oras at anumang puwedeng maitulong para sa ikauunlad ng komunidad lalo na sa Firenze. Muli niyang binanggit ang dahilan kung bakit naitatag ang CONFED Toscana: ang magsilbing centro-coordinamentong mga asosasyon, gabay sa komunidad, at maging instrumento upang lalong makilala ang kulturang pilipino. Kanya ding pinuri ang kakayahan ng mga pilipino kung ang paguusapan ay tema ng integrasyon. Madaling makapagadjust ang mga pilipino at ipinapakita ang tunay na malasakit sa trabaho saan mang sektor ang mga ito napapabilang. Kasama ng consul sa kanyang pagdalo sa pagdiriwang ang dalawa pang consulate personnel, sina Dott. Franco Biagini at Sig.ra Simona Amerighi na kilala ng lahat dahil sa ilang taon na rin nilang serbisyo sa komunidad.

Pinarangalan din ang haligi ng CONFED na tumatayong presidente hanggang sa kasalukuyan na si Divina Capalad. Pasasalamat mula sa komunidad na kanyang patuloy na pinagsisilbihan sampu ng kanyang mga opisyales.

Naging panauhin din sa pagdiriwang ang ilang kabataan na inituturing na Pride ng Tuscany na sina Camille Ann Cabaltera sa larangan ng musika at si Federico Garcia Palejon na magrerepresent ng Filipino Community ng Italy sa gaganaping Misters of Filipinas 2018 sa darating na buwan ng septyembre sa Pilipinas.

Isang bagong parte ng pagdiriwang ang patimpalak ng pinakamagandang gazebo na may “filipiniana touch”. Sabadong gabi pa lamang ay puspusan na ang paghahanda ng bawat asosasyon. Kahit na alam ng lahat na ito ay katuwaan lamang at dagdag kulay sa pagdiriwang ay ibinuhos nila ang mga ideya na lalong nagpaganda sa kanilang mga obramaestra.

Ang mga nanalo ay ang Mindoreñans Group na siyang pinalad na makakuha ng Grand prize, Mabinians Group of Florence naman ang tinanghal na 2nd placer, at ang Anak ti Santa Catalina Firenze naman ang nagwagi ng 3rd prize. Samantala, ang Quezonians, Saranay Firenze, at Timpuyog naman ay tumanggap ng Special awards.

Bago tuluyang magtapos ang programa ay nagkaroon ng mga palaro na sinalihan ng mga kasapi ng iba’t-ibang organisasyon habang ang iba naman ay masayang sumayaw kasabay ng himig-pinoy na musika.

Lahat ng dumalo ay linisan ang venue na may ngiti sa kanilang mga mukha, umaasang mas magiging matatag pa at maunlad ang komunidad na ito na sa puso ng bawat isa ay naging ikalawang pamilya na nila.

Ang Kalayaan ng ating Lupang Hinirang, Bayang Magiliw at Duyan ng Magiting ay tunay na isang magandang pagkakataon para sa ating lahat na pagtibayin ang pagkakaisa sa mahalagang araw na ito at huwag kaliligtaan na “Ang pagbuwis ng dugo ng ating mga mahal na bayani ay nagbunga ng kalayaan na isang gintong pamana sa ating lahat at sa mga henerasyon na darating pa“.

 

Quintin Kentz Cavite Jr.

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Ako Ay Pilipino

Gaano katagal maaaring manatili sa Pilipinas na hindi mawawalang bisa ang permit to stay?

KALAYAAN 2018, unang pang-rehiyong pagdiriwang sa Emilia Romagna