“Tinulungan ko siyang linisin ang bahay, at tanggalin ang mga bakas ng dugo.”
Ito ang tahasang pag-amin ni Nors Man Lapaz, ina ni Mark Antony Samson, ang 23-anyos na Pilipinong suspek sa pagpatay kay Ilaria Sula, sa loob ng mahigit tatlong oras ng interogasyon sa tanggapan ng pulisya sa Roma (Questura), ayon sa ulat ng ANSA.
Dahil sa kanyang pag-amin, pormal na isinampa laban kay Lapaz ang mabigat na kasong pakikipagsabwatan sa pagtatago ng bangkay (concorso nell’occultamento del cadavere).
Batay sa pahayag mismo ni Mark matapos siyang arestuhin, naroroon sa kanilang tirahan ang kanyang ina sa mismong oras ng krimen—nang saksakin niya ng tatlong beses si Ilaria, ang kanyang dating nobya.
Pag-amin sa Krimen
Ayon sa mga ulat, kusang-loob na humiling ng interogasyon si Lapaz at nagtungo sa Questura bandang alas-dos ng hapon ngayong araw, Lunes, kasama ang kanyang abogado. Una syang itinuring bilang “taong may kinalaman sa insidente,” ngunit agad na nabago ang kanyang legal na katayuan matapos niyang aminin ang aktibong papel sa pagtatangkang pagtakpan ang krimen.
Sa kanyang salaysay, detalyado niyang inilarawan ang mga kaganapan sa loob ng apartment sa Via Homs, matatagpuan sa Quartiere Africano sa Roma — ang lugar kung saan natagpuan ang bangkay ni Ilaria.
Ebidensiya at Hinala ng Awtoridad
Mula pa sa simula ng imbestigasyon, may malakas nang hinala ang mga awtoridad sa posibleng sangkot na papel ni Lapaz. Bukod sa pisikal na ebidensiya, tumugma rin ang cell site data ng kanyang telepono na nagpatunay ng kanyang presensya malapit sa lugar ng krimen sa tinukoy na oras.
Naniniwala ang mga imbestigador na hindi mag-isang isinagawa ni Mark ang krimen, taliwas sa kanyang unang pahayag na siya lamang ang responsable sa lahat. Malinaw para sa mga otoridad na may tumulong sa kanya matapos ang karumal-dumal na insidente.
Kalagayan ni Mark Samson
Samantala, si Mark ay patuloy na nakakulong sa Regina Coeli prison sa Roma. Ang kanyang unang interogasyon ay tumagal ng halos limang oras, kung saan pinanatili niya ang kanyang naunang pahayag. Gayunpaman, ang mga ebidensiya at pag-amin ng kanyang ina ay nagpapatibay sa posisyon ng prosekusyon.
Source: ANSA
Basahin din:
- 23-anyos na Pinoy, inaresto sa pagpatay sa dating nobya sa Roma
- Pagpaslang kay Ilaria Sula — Ina ni Mark Samson Iniimbestigahan, Ama Wala sa Bahay Noong Krimen