in

INC SA ROMA, NAG-HOST NG CULTURAL PROGRAM PARA SA MGA FILIPINO COMMUNITIES

 “L’IGLESIA NI CRISTO E LA CULTURA FILIPPINA ,” MATAGUMPAY NA NAIDAOS

Isang malaking tagumpay ang cultural program na isinagawa sa mismong aula ng distrito ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Roma na matatagpuan sa Via Ceresole Reale 9 noong Nobyembre 13, 2011.   Ang nasabing cultural program ay may titulong “L’IGLESIA NI CRISTO E LA CULTURA FILIPPINA”  na naisakatuparan dahil na rin sa pagpapaunlak ng nakadestinong Ministro ng INC sa Roma, si Bro. Ray Antonio, Jr. at ng Tagapangasiwa ng Distrito Bro. Oliver R. Canlas na maging host ang INC sa nasabing programa na katatampukan ng iba’t-ibang Filipino communities. 

Ang cultural program na ito ay isinabay  din sa pagdiriwang ng ika-apat na edisyon ng “I Mondi A Roma,” isang taunang manipestayon ng Munisipalidad ng Roma na kinabibilangan ng mga mamamayang migrante o dayuhan na naninirahan sa siyudad ng Roma. “Masaya  kaming mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo na naging  host kami ng cultural program na ito, matagumpay itong naidaos.  Nagpapasalamat kami ng marami una sa Diyos, at pangalawa, sa mga taong naging bahagi ng programang ito.”   Ito ang naging pahayag ni Bro. Joey San Vicente, isa sa mga opisyal  ng INC na siya ring namahala bilang director ng nasabing programa.

Ang palatuntunan ay sinimulan sa pagpapakilala ni Bro. Antonio sa Iglesia Ni Cristo sa mga dumalong bisita na naroroon.  Kasunod nito ang pagpapahayag ng mga salita ng Diyos at sa mga aral na sinasampalatayan ng INC.  Kanyang binigyang-diin ang kahalagahan ng pagsasaliksik sa tunay na mga aral na nararapat na sampalatayanan.  Ang INC ay nagsimulang magpalaganap ng mga salita ng Diyos sa Pilipinas noong Hulyo 27, 1914, sa Punta, Santa Ana, Manila.  Nagsimula sa kakaunting mga kaanib na pinangunahan ni Bro. Felix Manalo bilang Punong Ministro.  Mula noon, tuloy tuloy at hindi na napigilan ang paglago at paglaki nito maging sa pagitan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.  Napakalayo na ang narating ng INC mula pa noon sa kanyang pagkakatatag.  Halos hindi na mabilang ang kanilang mga naipatayong mga gusaling sambahan o kapilya sa lahat ng dako sa Pilipinas maging sa ibang bansa.  Sa katunayan, dito lamang sa Italya, bukod sa siyudad ng Roma kung saan mayroon silang dalawang mga lugar na pinagdadausan ng pagsamba, mayroon na rin silang mga pook sambahan sa Milano, Genova, Venice, Como, Torino, Lucca, Parma, Florence, Bologna, Napoli, Grosetto at Catania.

Kinatampukan din ang nasabing cultural show ng mga piling-piling mga presentasyon na ipinamalas ng mga bisitang performers: KARILAGAN CHOIR, na umawit ng isang katutubong kanta, ang “Leron, Leron, Sinta” samantalang Tinikling at Subli Dance naman ang ipinakita ng Guardians International Italy.  Kinatampukan din ang nasabing palabas ng mga bilang mula mismo sa kanilang mga kaanib: Mrs. Maricris Del Rosario, Ms. Kyley Alacaraz, Ms. Marinela Pineda, Mrs. Marson Sale, Ms. Joan Avila, Ms. Jimena Soro, Mr. Arvin Benagale at ng kanilang mismong INC Choir.  Naimbita bilang panauhing pandangal ang ating Ambasador sa Italya, H. E. Ambassador Virgilio Reyes, Jr., na nagpahayag sa malaking suporta ng Pasuguan sa INC.  Nakita ring dumalo sina On. Gilberto Casciani, Presidente ng Commissione Affari Comunitari e Internazionali ng Regione Lazio, On. Romulo Sabio Salvador, Consigliere Assembleare Aggiunto – Roma at mga Konsehala ng iba’t-ibang munisipyo sa Roma kabilang na si Cons. Agg. Pia Gonzalez at Cons. Agg. Bong Rafanan.

Sa isa na namang pagkakataon, muling ipinamalas ng mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo ang kanilang magandang samahan, kaisahan at pakikipagtulungan maging sa pagdadaos ng mga aktibidad na pang-kultural.  Sa magandang kinalabasan at natamong tagumpay ng cultural program na ini-host ng Iglesia Ni Cristo, ang  “L’IGLESIA NI CRISTO E LA CULTURA FILIPPINA ,”   ibinabalik nila ang lahat ng kapurihan sa ating nag-iisang Ama na lumikha sa ating lahat. (Rogel Esguerra Cabigting)

alt

altaltalt

 

 

 

 

 

alt

alt

 

 

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Lipad

Pangangalap ng pirma para sa citizenship at right to vote ng mga migrante, gaganapin bukas!