Pagpapalaganap ng Salita ng Diyos, ito ang pangunahing layunin ng INConcert na ginanap nitong Pebrero sa Teatro Sala Umberto sa Roma na pinangunahan ng mga kabataan ng Iglesia di Cristo o INC.
Pagpapalaganap ng Salita ng Diyos, ito ang pangunahing layunin ng INConcert na ginanap nitong Pebrero sa Teatro Sala Umberto sa Roma na pinangunahan ng mga kabataan ng Iglesia di Cristo o INC.
Sa entrada pa lamang ng venue ay makikitang mga kabataan na ang sumalubong sa mga panauhing Pilipino, Italyano at mga Africano. Dinala nila ang mga ito sa inihandang Photo Exhibit na may titolong “La Iglesia ni Cristo Oggi” na naglalarawan ng kasaysayan at paglago ng INC sa buong mundo, ang misyon nito at ang mga kapatirang nakasama sa pananampalataya.
Sinimulan ang INConcert sa pamamagitan ng taimtim na panalangin. Sinundan ito ng pagtuturo ng mga aral ng INC nina Ka Ericson Villarico at Ka Zjefley Morano sa wikang Italyano upang higit na maunawaan ng iba’t ibang lahing panauhin .
“Pagpapalaganap ng Salita ng Diyos. Ipaalam kung ano ang tunay na aral. Itama ang pananampalataya para maligtas. Ito ang pangunahing layunin ng INConcert”, bigay-diin ni Ka Renz Harold Marquez, isang Ministro ng Roma Sentro sa Ako ay Pilipino.
At dahil ito ay isang konsyerto, hindi nagpahuli at nagpakitang-gilas ang mga kabataan mula murang edad ng kani-kanilang talento sa awit at pagsasayaw at ito ay ini-alay sa kanilang pananampalataya na hinangaan naman ng mga panauhin.
“Apprezzo molto vedere i ragazzi sul palco, cantando e ballando per la loro fede. Oramai, questo è molto raro!” (Nakakatuwang makita sa entablado ang mga kabataang nagpapamalas ng kanilang pananampalataya. Ito ay bihira ng makita sa panahon ngayon), paghanga ng isang African guest.
“Ang aming mga kabataan ay nasusubaybayan sa kanilang pananampalataya. Sila ay tinuturuan, ginagabayan at iniingatan partikular sa mga aral ng Diyos gamit ang Bibliya, dahil tanging Bibliya lamang ang gamit ng Iglesia ni Cristo na basehan sa pagtuturo ng mga Ministro”, paliwanang ni Ka Renz.
Tinatayang 1,000 katao ang naging bisita sa dalawang magkasunod na konsyeto (una ay alas 5 ng hapon at ang ikalawa at alas 7 ng gabi) sa parehong araw.
“Ito ay dahil bawat lokal sa Roma ay tumarget at nag-imbita ng ibat-ibang lahing panauhin”, dagdag pa ni Ka Renz.
Ang INC Italya ay bahagi ng Southern Europe District na binubuo ng sampung bansa. Sa Italya ay mayroong humigit kumulang 4,500 aktibong miyembro. Partikular sa Roma, tinatayang mayroong 1,200 aktibong miyembro at natutugunan ang pangangailangan sa pananampalataya sa apat na Kongregasyon: ang Roma Centro, Roma Sud, Roma Est at Roma Nord kung saan regular ang dalawang Araw ng Pagsamba (midweek at weekend).
Bukod dito ay mayroong mga organisasyon sa loob ng INC kung saan higit na nahuhubog ang bawat miyembro. Ito ay ang: Binhi, na binubuo ng mga kabataan mula 12 hanggang 17 anyos; Kadiwa, mula 18 anyos hanggang bago mag-asawa at ang Buklod, na binubuo naman ng mga mag-asawa.
Isang beses sa isang linggo ay nagkakaroon ng mga pagpupulong kung saan nagaganap ang mga aktibidad.
Ang ibig sabihin ba nito ay pinangangalagaan sila sa pananampalataya at kulturang Pilipino?
“Hindi po kulturang Pilipino, kundi po kulturang Kristiyano”, bigay-diin ni Ka Renz. “Ito ay dahil na rin sa pagkakaroon ng mga kapatirang hindi Pilipino, tulad ng mga Italyano, Afrikano at iba pa. Ang maganda lang, sa paghuhubog sa mga kapatiran, kahit ibang lahi ay natututo na rin ng ating kultura tulad ng gamit ng po at opo tulad ng ‘Ciao po’ at ‘Come stai po?”.
Ang INC sa Italya ay aktibo rin sa iba’t ibang socio-civic activities tulad ng isinagawang INC Charity Walk noong 2014 at ang Coastal Clean Up Drive noong September 2017 at marami pang iba.
PGA