Isang matinding dagok sa dignidad ng mga Pilipino ang napabalita nitong ika-16 ng Hulyo, 2019, sa siyudad ng Bologna ang ukol sa isang Pilipina, edad 44, na naakusahang nagnakaw sa kanyang pinaglilingkuran ng mga mahahalagang alahas at ito ay ibinenta umano niya sa isang kilalang negosyo na bumibili ng mga presyosong gamit. Umabot umano sa isandaang libong euro (€ 100,000) ang kabuuang halaga pati na ang salaping kinuha.
Nagsimula diumano nitong buwan ng Pebrero ng taong kasalukuyan, na nagdala ng mamahaling relo ang naturang Pilipina sa Compro Oro at simula noon ay labing-walong beses itong nagpabalik-balik doon upang maibenta ang iba pang mga dalang alahas pero sa mababang halaga na di katumbas ng aktuwal na presyo nito. Ang kanyang pinaglilingkuran ay nagkaroon ng paghihinala dahil sa pagkawala ng halagang 500 euro kung kaya’t naisipang magpain ng halagang 1200 euro upang matiyak na ito nga ang kumukuha. At doon nga nila napatunayan na ito nga may kagagawan sa mga pagnanakaw.
Nagdulot ito ng iba’t ibang reaksiyon mula sa social media. May nagsabi na pangalanan daw at ipakita ang larawan ng Pilipina para magsilbing aral ito pero base sa regolasyon ng mga pahayagan ay di maaaring pangalanan hangga’t di napapatunayan at nahahatulan sa korte. Ang iba naman ay nagpahayag ng kalungkutan na kung kailan pa daw may mga Pilipinong umaani ng papuri at tagumpay sa ibang larangan ay saka pa nagkakaroon ng ganitong mga balita. Ayon naman sa ilan ay maaari ding hindi totoo ang balita dahil sa ilang ispekulasyon na kulang o may malabo sa mga detalye.
Lumabas ang mga balita sa mga pangunahing pahayagan sa Bologna at maging sa online news website, sa Il Resto del Carlino at Bologna Today, kung saan ay sinabi na ang Carabinieri ang naghain ng kaso laban sa Pilipina base sa ulat ng Compro Oro sa kahina-hinalang pagbebenta nito ng mga mahahalagang gamit o alahas.
Sa ating mga Pilipinong naglilingkod nang tapat at nagsisikap maghanap-buhay sa malinis na paraan, nagdala ang balitang ito ng matinding inis at lungkot dahil ang maaaring idulot nito ay ang pagkawala ng tiwala sa lahat ng mga naglilingkod na kasambahay at tagapag-alaga ng mga bata, maysakit o ng matatanda. May mga napabalita na rin na ganitong mga pangyayari dahil sa sobrang tiwala ng mga pinaglilingkuran sa kanilang mga kasambahay ay nagagawa nilang iwan ang mga gamit na mahahalaga na hindi nakatago sa safe cabinet sa loob ng bahay. Dahil dito ay natutuksong kunin ito dahil sa iba’t ibang kadahilanan. Mayroon din naman na naakusahan na ginamit ang ATM ng matandang inaalagaan, para sa pansariling hangarin na magkaroon ng ekstrang pananalapi. Ang iba ay hindi na naiulat sa Carabinieri at pinaalis na lamang sa kanilang tahanan, bagay na isang dahilan upang mahirapang makakuhang muli ng hanap-buhay dahil sa bawat aplikasyon ay inilalagay ang pangalan ng dating pinaglilingkuran bilang reperensiya.
Sa ngayon ay umuusad pa ang imbestigasyon, bagama’t ang paglabas sa pahayagan ay isang paalala sa magkabilang panig. Sa pinaglilingkuran ay ang maging mapagbantay sa kanilang tahanan at maging masinop sa mga gamit na mahahalaga. Sa mga naglilingkod naman ay ang manatiling tapat at dedikado sa kanilang trabaho at laging isipin ang magiging bunga ng isang masamang gawi para sa kanilang pamilya at kapwa Pilipino.
Ang balita ay tatagal lamang ng ilang araw pero ang epekto nito sa mga Pilipinong naglilingkod dito sa Italya ay mananatili sa isipan ng bawat isa. Kaya palagiang payo sa mga OFW, maging tapat at mabuting tagapaglingkod, dahil hindi lamang ang sarili natin ang ating pananagutan kundi ang buong lahing Pilipino.
Dittz Centeno- De Jesus