Hindi naging hadlang ang kanyang kapansanan upang maging mabuting asawa at ina sa 4 na anak. Partikular, hindi ito naging hadlang upang maging isang manlalaro ng Sitting Volley sa Cagliari at bahagi ng Female National Sitting Volley Team ng Italya.
Cagliari – Maria Filipina Talento Magno, mas kilala sa tawag na ‘Mafeth’ 43 anyos at tubong Capalonga, Camarines Norte.
Hindi naging hadlang ang kanyang kapansanan upang maging mabuting asawa at ina sa 4 na anak. Partikular, hindi ito naging hadlang upang maging isang manlalaro ng Sitting Volley sa Cagliari at bahagi ng Female National Sitting Volley Team ng Italya.
Sanhi ng isang vehicular accident sa Pilipinas taong 1986, ay nagkaroon ng above knee amputee o AKA si Mafeth. Bagaman masakit, ito ay kanyang tinanggap at patuloy na hinarap ang mga hamon ng buhay.
Taong 2009, ay dumating si Mafeth sa Cagliari, Italy kasama ang kanyang 3 anak: sina Trisha 19 anyos at nasa ika-limang taon sa Scuola Superiore, si Kyle, 17 anyos, isang special child at nasa huling taon ng Scuola Media, Deniel, 11 taong gulang gulang, nasa unang taon sa Scuola Media: Kasama rin si Onie, ang kanyang kabiyak. Ito ay dahil ang mga magulang ni Mafeth ay nagta-trabaho na sa Cagliari. Ang bunsong si Ysabelle ay ipinanganak sa Cagliari at ngayon ay nasa unang grado ng elementarya
“Kahit may kapansanan ay nakapagtrabaho pa rin ako bilang colf/badante, kahit bihira lang ang mga employers na tumanggap sa akin. Sa ngayon habang wala akong trabaho, pinag-kakaabalahan ko ang pagiging housewife at pag-aasikaso sa aking mag-aama at ang paglalaro ko ng Sitting Volley”, ayon kay Mafeth.
Paano ka nakapasok bilang Cagliari Sitting Volley player?
“September 2014 nang magsimula akong maglaro. Isang araw sa isang commercial center ay nilapitan ako ng isang babae. Nagpakilala at sinabing nagbubuo sila ng isang team o squadra ng “Sitting Volley Cagliari” para sa mga normal at may kapansanan. Siya si Alessandra Tiloca, isang volleyball coach. Ipinaliwanag niya na sa paglalaro ng sitting volleyball ay nakaupo at di kailangan ang paa sa paglalaro. Nagka-interest ako dahil hilig ko ang volleyball pero dahil nga sa isa ang aking paa kaya hindi na ako nakapag-laro nito”.
Simula sa araw na iyon ay sinubukan ni Mafeth ang pumunta sa allenamento o practice. Tatlong oras at dalawang beses sa isang linggo.
“Nakilala ko ang bawat isa, 4 ang may kapansanan, ika- 5 ako at marami ang normal na manlalaro”, kwento ni Mafeth.
Sa una ay mahirap umano, ayon kay Mafeth. Ngunit na-challenge siya dahil nalalaro na niya ang kanyang paboritong laro. Kahit malaki ang naging pag-aalinlangan niya noong una dahil nag-iisang dayuhan ay naramdaman niya ang mainit na pagtanggap kahit isang Pilipina.
“Lahat sila Sardo, pero hindi nila ako tinuring na ibang lahi, lahat kami pantay-pantay walang diskriminasyon at masarap silang kasama at kausap. Kami ang kauna-unahang miyembro na bumuo ng Cagliari Sitting Volley: Si Sarah Pireddu (polio), Walter Meloni (AKA right), Mario Carbriolu (AKA left) at Matteo Scalas (CP). Kami rin ang naging representative ng Sardegna na napapasali sa iba’t-ibang tournament. Sa ngayon, kami ay mahigit 10 disable kabilang na si Moreno Marchetti, Benedetta Capai, Davide Pili at Simone Deidda hanggang nagkaroon na rin ng iba’t ibang team mula sa Olbia at ibang probinsya ng Sardegna”.
Anu-ano ang mga hinarap mong hamon bilang isang indibidwal, bilang isang manlalaro?
“Naging challenge sa akin ang sport dahil na rin gusto kong subukan ang pakikipaglaban at makipag-halubilo sa ibang lahi dahil isa nga akong dayuhan. Naging hamon din sa akin kung hanggang saan ko kakayanin ang pagiging player at working mother. Mahirap man pero nakatulong din sa akin na mapatibay ang aking loob at pananaw sa buhay na hindi magiging hadlang ang kapansanan ng isang tao sa kanyang kinabukasan at mga pangarap. Lalong lumakas ang tiwala ko sa sarili na kaya ko ring gawin o matamo ang mga bagay na akala ko’y imposible. Pati na rin sa aking pamilya na nagdulot ng magandang karanasan at pag-iinterest ng aking mga anak sa volleyball at iba’t-ibang uri ng sports at ang kahalagahan nito”.
Ang mga liga o kumpetisyon na iyong sinalihan?
“Marami na rin kaming competitions o tournaments na nasalihan tulad ng 1st International Sitting Volley Rotary Cup na ginanap sa Cagliari Sardegna noong February 2015. Kasali sa competion na ito ang world champion ng sitting volley na team Brazil, team Croatia, national male team ng Italy at team Cagliari Sitting Volley na nag represent ng Sardegna. At pagkatapos nito ay unti-unti na kaming nakilala at naiimbitahan sa iba’t-ibang tournament sa labas ng Sardegna tulad ng US ACLI Sport in Tour Grottammare, (taun-taon), National Sitting Volley Tournament 2017 sa Pescara, 1st National Female Sitting Volley Tournament sa Parma at iba pa. Naging champion din ang Cagliari Sitting Volley sa Regional Tournament na ginanap sa Sardegna”.
Mga karanasang hindi malilimutan bilang player?
“Ang bawat competitions, tournaments at participations na nasasalihan at napupuntahan namin, ang bonding namin ng mga kasamahan ko sa Cagliari Sitting Volley, ang suporta sa akin ng aking pamilya, ang makakilala at magkaruon ng mga bagong kaibigan, ang ma convocate o mapatawag ng FIPAV (Federazione Italian Pallavolo) at maging bahagi ng Female National Sitting Volley Team, ang matampok sa mga dyario at programa sa TV at web online etc etc, ay mga experience ko na hinding hindi makakalimutan”.
Nagkaroon ba ng mga problema o hadlang?
“Maraming pagsubok ang dumadating sa akin tulad ng malayo ng ilang araw sa aking pamilya pag may tournament sa ibang lugar at naiiwan ang mga bata sa ama na maghapon ding nasa trabaho; sa aking trabaho na ilang araw na wala ako ay bawas ang aking sahod ay naiisipan kong huminto na sa pag lalaro ng sitting volleyball.
Mayroon ding magagandang oppurtunities na ipinagkakaloob sa akin pero nahahadlangan ng pagiging dayuhan ko dahil sa ngayon ay hindi pa kami ganap na Italian Citizen at permit to stay pa lang ang dokumentong hawak ko.
Pero sa kabila nito ay nanatili pa rin akong matatag dahil na rin sa full support ng aking pamilya, at sa kanilang malawak na pang-unawa. At dahil hilig ko talaga ang volleyball, at sa matiyagang paghihikayat at pag-iimbita sa mga events ng aking mga Coach at mga ka-grupo na magpatuloy ako sa paglalaro, heto pa rin ako ngayon patuloy na nagpupunta sa praktis, nagpa-participate, makikipaglaban at patuloy na dadalhin ang pangalan ng aking grupo na “Cagliari Sitting Volley” ng Quattro Mori Sardegna”.
Mensahe sa mga tulad mong may kapansanan na tila nawawalan na ng tiwala?
“Walang imposible sa taong may pananalig sa Panginoon at may tiwala sa sarili! Para sa akin, ang kapansanan ng isang tao ay hindi magiging hadlang sa ating mga pangarap, ang ating mga kakulangan sa katawan ay ipinagkaloob ng Diyos dahil alam Nya na tayo ay malakas at matatag. Ang mga pag subok ay isang paraan Nya para lalong pagtibayin ang ating kakayahan at tiwala sa sarili upang hindi sumuko at panghinaan ng loob. Tayong mga may kapansanan ay pinili ng Diyos para maging inspirayon sa lahat, dahil sa kabila ng ating kakulangan nagagawa pa rin natin ang lumaban sa hirap at mga pagsubok ng buhay, nagagawa natin ang mga imposible sa pamamagitan ng ating sariling kakayahan at sariling pag iisip ng buong tapang. Tayo ay Special, dahil tayo ay pinili para magbigay ng liwanag at pag-asa sa mga nagdidilim at naliligaw na daan ng iba”.
PGA