Isang magandang balita para sa mga hindi pa nakakapagparehistro o kailangan ng pag-update sa kanilang rehistrasyon para sa HALALAN 2022.
Magbubukas ang Konsulado ng Milan sa week-end ng buwan ng Setyembre para makapagbigay ng tsansa sa mga botante na makapunta sa Konsulado sa mga araw ng Sabado at Linggo.
Magsisimula ito sa Setyembre 4 at 5, at sa mga susunod na linggo , 11 at 12, 18 at 19 at 25 at 26, mula ika-9 ng umaga hanggang 1:30 ng hapon.
Dalhin lamang ang pasaporte/carta d’identita at kung dual citizen naman ay dalhin ang mga dokumentong binigay ng Konsulado kaugnay ng dual citizenship gaya ng Oath of Allegiance, Order at Identification Certificate.
Ang opisyal na rehistrasyon ay nagsimula noon pang Disyembre, 2019 at magtatapos sa ika-30 ng Setyembre. Mahalaga ang pagpaparehistro at pag-update ng impormasyon gaya ng pagbabago sa status at apelyido, paglipat ng tirahan o ng lugar ng pagboto (kung saan dating nakarehistro) at pagbabalik din sa Filipino citizenship (para sa nag-dual). Ito ay upang makasiguro kung tama ang impormasyon at tirahan para sa pagpapadala ng mailing packet at pagsisiguro na rin na aktibo pa ang pagkarehistro noon.
Makipag-ugnayan na sa Konsulado upang matiyak kung aktibo pa o hindi na upang maisaayos agad ito.
Magparehistro at tiyakin na may boses tayo para sa nais na pagbabago. (Dittz Centeno-De Jesus)