May nararamdaman ka na bang kakaiba sa iyong katawan, dulot ng kawalan ng pahinga mula sa pagtatrabaho, pagkakaidad na o kaya naman ay pagdaragdag ng timbang dahil sa maling nutrisyon at kakulangan ng ehersisyo?
Ito ay mga katanungan lamang na maaaring mabigyan ng kasagutan kung ikaw ay magpapasuri sa iyong doktor na kung magkaminsan ay di mo rin nabibigyan ng panahon dahil sa oras na iniuukol sa trabaho at ibang bagay.
Ang AUSL (Azienda Unita Sanitaria Locale) ay nagdaos ng dalawang araw na medical mission kung saan ay may temang “Tieni in forma il tuo cuore” o Keep your Heart in Shape. Ito ay ginanap nitong ika-18 at 19 ng Setyembre 2021, araw ng Sabado at Linggo, sa Piazza Re Enzo sa Bologna.
Ang mga kardiyologo ng Departamento ng Pampublikong Kalusugan, pati na ang mga boluntaryo ng AIFIASS ODV (Associazione Italo-Filippino Infermieri e Assistenti), sa pamumuno ni Teodora Lopez, ay naroon at magkatuwang na nagsuri at umasiste sa mga Italyano, Pilipino at iba pang lahi na nagnais na magkaroon ng check-up na di kailangan ang appuntamento o prenotasyon.
Umabot sa halos 500 katao ang kanilang naserbisyuhan sa loob ng dalawang araw. Nagsagawa sila ng pagsukat sa blood pressure, pagtimbang, pagsusuri sa dugo sa pamamagitan ng finger prick upang malaman ang antas ng kolesterolo, triglyceride at iba pa. Ang sinuman na umabot sa antas na maaaring magdulot ng di maayos na kalagayan ng puso ay kanilang nirerekomenda na magtungo sa espesyalista upang higit pang masuri.
Nagkaroon din ng mga pagpapamalas ng pamamaraan sa pagtugon sa emerhensiya gaya ng pagsasagip sa buhay ng isang biglang nagkaroon ng seizure o atake sa puso habang naghihintay ng tugon ng rescue team. May mga demonstrasyon na nagturo kung paano rin mag-alis ng bara sa lalamunan gamit ang Heimlich. Sa mga gazebo ay may mga nagbibigay naman ng mga impormasyon ukol sa tamang nutrisyon, pagtigil sa bisyo ng paninigarilyo, pagtuturo ng tamang ehersisyo at pagbibigay din ng payong medikal.
Ang misyong ito ay kanilang ipagpapatuloy sa iba’t ibang probinsiya ng Rehiyon ng Emilia Romagna upang maisakatuparan ang hangarin na mapababa ang antas ng mortalidad na dulot ng sakit sa puso.
(ulat: Dittz Centeno-De Jesus –
mga Litrato: Gene De Jesus at Annaline Viejo Urian)