Binisita kamakailan ni Mayor Abby Binay ang Filipino community sa Roma. Layunin ng pagbisitang ito na palakasin ang ugnayan sa pagitan ng lokal na pamahalaan ng Makati at ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nakatira sa Italya. Ang pagbisita ay mainit na tinanggap ng community.
Sa maikling pananalita sa pagbisita niya sa Roma, ninais ng mayor na kilalanin ang ambag ng mga OFWs. Pinasalamatan ng mayor ang mga sakripisyo at pagsusumikap ng mga Pilipino sa ibang bansa para sa kanilang mga pamilya at komunidad sa Pilipinas.
Ipinakilala rin ng mayor ang iba’t ibang programa at serbisyong ibinibigay ng pamahalaang lungsod ng Makati na maaaring pakinabangan ng mga OFWs at kanilang mga pamilya. Partikular ang serbisyong pangkalusugan. Aniya, “Sa Makati, mahalaga sa amin ang kalusugan. Sa katunayan, sa katapusan ng taon ay magbubukas ang isang bagong ospital, na patatakbuhin ng mga pribadong duktor na magbibigay ng libreng serbisyo sa mga residente“.
Sa pamamagitan ng maikling talakayan, nakinig din si Mayor Binay sa mga katanungan, alalahanin, at mungkahi ng mga Pilipino sa Roma.
Ang pagbisitang ito ay nagpakita ng kahalagahan ng pagpapanatili ng matibay na ugnayan sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan sa Pilipinas at ng mga Overseas Filipino Workers.
Layunin ng pagdating ni Mayor Binay sa Italya ay ang pagtugon sa imbitasyon ng Santo Padre na dumalo sa ginanap na Joint Summit na may paksang “From Climate Crisis to Climate Resilience” na ginanap sa Vatican City mula Mayo 15-17, 2024.