Tatlumpu’t siyam (39) ang mga aktibong manlalaro na nagsipagtunggali sa matagumpay na MBA Challenge sa Roma.
Muling nasaksihan ang sagupaang pagulong ng mga Filipino Bowlers sa Italia sa ginanap na Anniversary Tournament ng Magallanes Bowling Association (MBA) Italy Chapter noong February 11, ng taong kasalukuyan sa Ciampino Bowling Center, Roma.
Nagsipagtunggali sa MBA Challenge na ito ang may 39 na mga aktibong manlalaro mula sa iba’t-ibang grupo na miyembro ng Filipino Bowlers Association in Italy o mas kilala bilang FBAI, na kinabibilangan ng Filipino Bowlers in Italy (FBI), KNIGHTS Bowlers, Catandungeños In Italy Achievers Organization (CIAO), Guardians International (G.I.), Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa (RAM) at Tropang Bowlers Association in Italy (TBAI).
Pinangunahan ito ng Presidente ng FBAI at Founding Officer ng MBA Italy Chapter na si Mr. Randy Fermo at ng FBAI Vice President at Sports Coordinator ng FBAI at MBA na si Mr. Glenn Manalili.
Matagumpay ang ginanap na torneo base na rin sa dami ng lumahok kasama ang tiyaga ng pangulo at pangalawang pangulo na maisaayos ito.
Kahit pa nagkaroon ng vehicles suspension sa Roma kasabay ng torneo ay hindi ito naging hadlang para maisagawa ang palaro.
Overall winners sina Champion Edison Singson, 1st Runner Up Perfecto del Espiritu, 2nd Runner Up Simple Apan. Sila din ang top 3 sa mga lalaking manlalaro. Sa hanay naman ng mga kababaihan ay nag-top 3 sina Champion Baby Figueroa, 1st Runner Up Norie Ignaco, 2nd Runner Up Remy Kar.
Matatandaang napabilang ang MBA Italy Chapter sa malaking grupo ng MBA matapos makilala ni Mr. Fermo ang nagunguna dito na si Ms. Bong Coo, ang sikat na ‘Lady Bowler’ ng Pilipinas, four time Tenpin Bowling World Champion at tinagurian ding The Most Decorated Filipino Athlete.
Ginanap ang kauna-unahang MBA Challenge noong February 2017, kung saan nasungkit ni Pres. Randy Fermo ang pagiging Champion.
Ang Italy ang kauna-unahang naging miyembro ng MBA sa buong Europa na ngayon ay may apat nang country members, kasama ang London, France at Greece.
Naging regular na ang torneo na ito na ginaganap ngayon tuwing ikalawang Linggo ng buwan.
ni: Norie Ignaco