in

Medical Mission, handog sa mga Kababayan ng United Methodist Church at ng FINASS

Dahil sa kakulangan ng oras ng mga Pilipinong manggagawa na maglaan ng panahon para sa kanilang kalusugan, naging adbokasiya ng FILIPINO UNITED METHODIST CHURCH OF BOLOGNA (FUMCB), ang makapagserbisyo sa pamamagitan ng medical mission.

Katuwang ang FILIPINO – ITALIAN NURSES ASSOCIATION (FINASS) sa pamumuno ni Alice Notario kasama ang mahigit sa 20 boluntaryo, ay naghandog sila ng libreng konsultasyon at blood exam para sa mga kababayan.

Nagboluntaryo din dito ang grupo ng TAOC-IG (Transnational Anti-Organized Crime – Intelligence Group ) Bologna, Italy Command,  sa pamumuno ni Antonio Dimayuga, ang tumatayong Commanding Officer.  Ang grupong ito ay may apilyasyon din sa Pilipinas at tatlong taon na ring naglilingkod sa komunidad.

Sa pamumuno ni Pastor Ellezer Gungon ng FUMCB, na siya ring bagong pangulo ng Christian Joint Fellowship of Bologna (CJFB), isang adbokasiya nila ang makatulong sa mga kababayan na magkaroon ng pagkakataon sa konsultasyong medikal kahit man lang sa simpleng pamamaraan na makontrol ang blood total cholesterol, blood sugar and triglycerides, blood pressure and heart rate at weight and waist circumference analysis. Mayroon ding maikling seminar ukol sa maayos na diyeta at nutrisyon na ang nagbahagi ay si FINASS volunteer Elisha Gay Hidalgo. Pagkatapos ng mga konsultasyon ay nagkaroon din sila ng counselling at church service.

Ang Filipino United Methodist Church of Bologna (FUMCB) ay nasa ikatlong taon na ngayon ng pagkakatatag mula noong 2016. Binubuo ng humigit-kumulang sa 30 miyembro at nakapaloob din sa Chiesa Evangelica Methodista dito sa Bologna. Ang grupo ay may apilyasyon din sa Baguio Episcopal Area of United Methodist Church sa Baguio City. Layunin ng grupo ay ang maipalaganap ang turo ng Bibliya, basic counselling sa mga miyembro, magdaos din ng mga skills seminar at workshop, pistang Kristiyano, gospel sharing at gawin din itong community-oriented.

Ang tunay na paglilingkod ay yaong nakatuon din sa mga pangangailangan ng mga kapatid sa simbahan at pagsasabuhay sa mga turo nito.

Dittz Centeno De Jesus

Mga Kuha: Gyndee Photos

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Pinoy, arestado dahil sa pagpaputok ng baril sa loob ng bahay

Europe Elite Basketball League, Bologna Team ang Kampeon