in

Mga Asosasyon sa Emilia Romagna, katuwang din sa Adbokasiya ng Pagtulong sa mga Kababayan

FAF o Filipino Association in Ferrara

Iba’t iba ang paraan ng pagtulong sa kapwa, depende sa sitwasyon at sa suliraning kinakaharap. May tahimik na adbokasiya, may gumagamit ng social media at may personal na pag-asiste. Sa krisis ngayon, maraming asosasyon, ang mga lider at miyembro nito, ang di makakilos dahil sa restriksiyon ng paglabas sa tahanan. Kaya naman ang iba ay nag-isip ng paraan kung paano makakapag-abot ng tulong sa mga kababayang nangangailangan lalo na yaong mga nawalan ng trabaho, nag-iisa sa kanilang mga tahanan, mga matatandang di makalabas, mga pamilyang may mga bata, at lalo’t higit yaong mga nagkasakit at mga naging biktima ng COVID19 at ang kanilang pamilyang naulila.

Sa rehiyon ng EMILIA ROMAGNA ay nagkakaroon din ng iba’t ibang pamamaraan ng pagpapatuloy ng adbokasiyang pagtulong sa nangangailangan. Ang ERAFILCOM o Emilia Romagna Alliance of Filipino Communities, sa pangunguna ni EMERSON MALAPITAN ay patuloy sa pagsubaybay sa mga miyembrong organisasyon sa buong rehiyon at nagmomonitor sa mga kababayang apektado ng krisis. 

Una, sa BOLOGNA, ang FEDFAB o Federation of Filipino Associations in Bologna sa pamumuno ni BEN CESARIO, ay nagsagawa ng tahimik na pamamaraan sa pamamagitan ng buono spesa at nagbigay ng listahan ng mga pangalan na kanilang nakalap at nakipag-ugnayan sa may-ari ng Pinoy store na si Aling DORY. Maaaring ipamili ito sa nabanggit na tindahan, ito ay upang maiwasan ang sabay-sabay na pagpunta at bilang pagtupad sa social distancing. Ang JIL GROUP (Jesus is LORD), sa pangunguna ni PASTORA IMEE CREDITO SANCHEZ,  ay naglista din ng mga pangalan na dadalhan naman ng food packs sa kani-kanilang tahanan, at isinagawa ito ng kanilang distribution team, sa tulong din ng AIFIASS Head JUDY LOPEZ. Ang ALCF Group (Abundant Life Christian Fellowship) naman nila Pastor HECTOR GUERRERO at ang LAFA (Laguna and Friends Association) na ang pangulo ay si JOY ALVAREZ,  ay nagbigay ng tulong-pinansiyal sa kanilang mga miyembrong nawalan ng trabaho. 

JIL Group

Si RHEGIE RIVERA naman ay nakaipon ng cash donations at food items mula sa mga kaibigang nag-isponsor at yun ang kanilang patuloy na ipinamimigay, noong una ay sa Pinoy store nagkaroon ng distribusyon, nguni’t kalaunan ay pinatutungo na lamang dito nang pailan-ilan upang makaiwas sa pangongontrol ng pulisya. Pati na si TWAKZ ROSTAN at mga kasama niya na tumugon sa isang bayanihan challenge, ay nanawagan sa pamamagitan ng social media para sa mga nais mag-isponsor din ng food packs at maipamahagi ito sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng paghahatid sa kanilang mga tahanan.  Ang SARTORIA DI FASHIONISTA FILIPPINA, grupo ng mga kababaihang mananahi ng ALAB-FWL ay patuloy pa rin sa paggawa at pamimigay ng cloth face mask sa mga frontliners at sa mga walang magamit.  Sila rin ang naging inspirasyon ng iba upang manahi na rin.

FWL

Kaugnay nitong face mask, sa MODENA ay may gumagawa na din, ang mag-asawang AILEEN at MARIO CASAPAO. Nagsimula muna sa ilang face mask na kanilang pinamigay, may mga natuwang nagbigay ng donasyon kung kaya naisipan nilang gumawa na rin ng iba pang istilo ng face shiled at ang mga binibigay na donasyon ay kanilang iniipon para may maipadalang tulong sa kanilang Sitio Manggahan, Baruyan sa Calapan City. At dahil sa dami ng nagbibigay ay baka daw mapadalhan na rin ng donasyon ang buo nilang barangay. Si GREGORIO MENDOZA, pangulo ng FEDAFILMO (Federazione Filippine di Modena) ay patuloy sa pakikipag-ugnayan sa mga kababayan at sa pagmonitor kung may nagkakasakit, at naka-kuwarantena.

Modena – AILEEN at MARIO CASAPAO

Sa REGGIO EMILIA, ang grupo ng BAHAGHARI sa pamumuno ni DAISY DEL VALLE, ay nagkaroon ng fund raising drive sa pamamagitan ng panawagan para makapagdonasyon sa mga biktima ng virus. Ito ang kanilang tugong-tulong sa adbokasiya ng OFW Watch Italy Task Force COVID19 na naglilikom din ng salaping maibibigay sa mga naulilang pamilya.

Sa FORLI, nabanggit naman ni FLORIAN ARANDELA, na ang kanilang small church group na ENCANTADAS ay mayroong online prayer group at nagrorosaryo sila nang sabayan. Kagaya din ng ibang religious group na mayroong online church services at prayer brigade. Nakapamahagi din sila ng tulong-pagkain.

Ang FAF (Filipino Association in Ferrara) na ang pangulo ay si ANTONIO MIRANDA, ay namahagi rin ng mga groserya sa mga pamilyang may mga maliliit pang mga anak at pati sa mga nawalan ng trabaho. Itong FAF -Project covid19 ay pinangasiwaan ni ELMA SAHAGUN at siya mismo ang nagtungo sa mga kabahayan upang maihatid ang mga groserya. Isa pang asosasyon sa Ferrara, ang CIRCLE OF FRIENDS ay tumulong din sa mga walang trabaho sa kasalukuyan, maging sa pagbibigay ng mga impormasyon at pagtulong sa kompilasyon ng mga dokumento at sertipikasyon. Ang COF ay pinamumunuan ni FELY CADUYAC.

Ang mga grupo ng mga Pilipino sa RIMINI at RAVENNA, ang FCRC (Filipino Community Romagna Chapter) at ang Mabuhay Associazione Italo-Filippina in Romagna, na pinamumunuan nila DIVINA BULSECO at FHELY GAYO, ay nagsisikap na maging tulay ng komunikasyon ng mga kababayan lalo at para sa kanilang kapakanan sa panahon ng krisis na ito.

Maging ang FCPP (Filipino Community of Parma and Provinces), sa pangunguna ni AUGUST LOPEZ ESTANISLAO at project chairwoman TESS GRAIANI, ay nagkaroon ng fund raising para maipamili ng iba’t ibang lalamaning groserya ng mga food packs at siyang ibibigay sa mga frontliners sa kanilang lugar at para din sa mga kapos at nagkasakit. Ang kanilang adbokasiya ay tinawag nilang COVID19 Pandemic Challenge.

Ang lahat ng mga ginawa at patuloy nilang ginagawa ay isang indikasyon na kahit pare-parehong apektado ng Krisis COVID19, may puwang pa rin sa puso ng bawa’t  Pilipino ang pagtulong sa kapwa. Ang mahalaga ay walang sukatan kung gaano kalaki o kaliit ang naiaambag, tahimik man o publikato ang pagbibigay. Maraming paraan din ng pagtulong, materyal man o moral na suporta o asistensa sa ibang pamamaraan. Kung magkaminsan ay kailangan ang publikasyon upang magsilbing inspirasyon sa lahat. (ni: Dittz Centeno-De Jesus)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Gabay sa Paghahanda ng Aplikasyon ng Bonus Affitto sa Comune di Roma

Fase 2, sisimulan sa May 4