Nanguna sa overall rankings ang mga kabataang Pinoy sa ginanap na one-day soccer league sa Stadio dei Marmi, Roma.
Roma, Nobyembre 9, 2015 – Ginanap nitong Oktubre sa Stadio dei Marmi, Rome ang “Mille Colori” o one day soccer league kung saan sa ika-anim na taong pakikiisa ay muling nagpakitang gilas ang 12 kabataang Pinoy na may edad mula 7 hanggang 10 taon.
Hangarin ng friendly league , kung saan 400 mga kabataan ang naglaro buhat sa 28 bansa, bukod pa sa kasiyahang dulot ng isang araw ng pagsasama-sama at pagdiriwang, ay ang ipakita ang mga kabataang isinilang at lumalaki sa bansang Italya bitibit ang bandila ng kanilang mga magulang at mga ninun, tanda ng pagkilala sa kanilang pinagmulan. Bukod dito ay layunin din ang magkaroon ng tunay na integrasyon mula sa mga musmos na kabataang ito na nagbibigay ng magandang halimbawang dulot ng sama-samang paglalaro ng soccer. Bukod pa sa maipakita ang masidhing adhikaing mabuwag ang anumang hadlang sa tunay na integrasyon ng mga imigranteng naninirahan sa bansa.
Ang “Mille Colori” ay inilunsad anim na taon na ang nakakaraan sa pangunguna ni Massimo Morezzi ng asosasyong A.S.D. Giochiamoapallone. Sa tulong naman ng Philippine Embassy Rome sa pangunguna ni H.E. Amb. Domingo Nolasco at Pinoy Photographer’s Club in Rome o PPCR ay naging posible ang pakikiisa ng mga kabataan sa nasabing paligsahan.
Taun-taong pinangungunahan ni Elchor Rebong Ferrer ang grupo ng mga maglalaro. Bilang paghahanda ay may simpleng training ang mga ito isang linggo bago ang araw ng liga sa tulong ni Coach Cyrille Keith Ferrer, at ni preparatory Coach Sandro De Marinis. Samantala ang mga manlalaro naman ay sina Daniel Lacorte, Gabriel Castro, Kyrus Abdon, John Cedric Guevara, Mark Jeovin Calamba, Mark Vincent Calamba, Gabriel Villianueva, Symonn Diokno, Renz Manalo, Alen, Karl Angelo Lenzuolo at si Matt Francis Barnachea.
Ang kanilang kayusahan ay naipakita sa maayos na paglalaro. Sa katunayan, nag-ranked 1st ang Pilipinas sa overall standings. (Filippine – Camerun 1-0, Filippine-millecolori Italia 1-1, Filippine – Polonia 2-0 at Filippine – Italia Rom 1-1).
Samantala, nagpalabas din ng mga cultural at traditional songs at dances ang lahat ng participating countries sa ginawang cultural show matapos ang liga. Nagbigay-aliw sa publiko ang Pinoy Teens Salinlahi, isang grupo ng mga kabataang Pilipino at sumayaw ng Subli, Binoyugan at Binislakan. Bago tuluyang magtapos at naghandog din ng dalawang awit ang grupo sa ginawang pagdiriwang.
Sapat ang naging kasiyahan ng mga kabataan sa tagumpay ng pakikilahok sa inisyatiba. Gayun din ang mga magulang na hindi inalintana ang init ng sikat ng araw sa pagsuporta sa kanilang mga anak. May pananabik ang lahat sa susunod na taon, sa muling paghaharap ng mga kabataan ng buong mundo sa araw ng ‘Mille Colori’.
ni: PGA
larawan nina Kali Miranda at Elchor Rebong Ferrer