in

OFW Watch Italy Survey, isang pag-aaral sa kalagayan ng mga migrante sa Italya

Layunin ng survey ang mabigyang linaw at direksyon ang mga makabuluhang programa na angkop at tutugon sa pagpapaunlad ng kaalaman, kasanayan at patuloy na integrasyon ng bawat migranteng Pilipino sa bansang kanilang ginagalawan.

 

Sa ikatlong taon Anibersaryo ng OFW Watch Italy nitong nagdaang Nobyembre 25-26, Bologna, pinagkaisahan ng Pambansang Konseho ang paglulunsad ng pambansang pagsisiyasat sa kondisyon ng manggagawang Pilipino at kanilang pamilya sa Italya. 

Sa pamamagitan ng survey, matitiyak ang patuloy na pagsusulong ng kanilang kagalingan, proteksyon at karapatan maging ang paglalatag ng mga serbisyo na kapaki-pakinabang sa sektor. Magbibigay linaw at direksyon ang pagsisiyasat na ito sa paghahabi ng makabuluhang programa na angkop at tumutugon sa pagpapaunlad ng kanilang kaalaman, kasanayan at patuloy na integrasyon sa bansang kanilang ginagalawan.

Layunin nitong abutin ang 21 rehiyon sa buong Italya at makalikom ng 10 porsyentong tugon mula sa 167,910 OFW na naninirahan at nagtatrabaho sampo ng kanilang pamilya. Mahalagang matukoy at maunawaan ang pinagmumulan ng kanilang mga problema bunga ng politikal, pang-ekonomiya, kultural, teknolohikang aspeto, sosyal at kinasasangkutang problemang legal.

Sa kasalukuyan ay laganap na ang pagsasagawa ng naturang pagsisiyasat mula Turin, Cuneo, Biella sa Piemonte, Milan, Brescia, Bergamo sa Lombardia, Genova sa Liguria, Trieste, Treviso, Bassano de Grappa, Vicenza Veneto, Padova sa Veneto,  Bologna, Modena, Rimini, Parma, Ferrara, Reggio Emiglia sa Emiglia Romagna, Firenze, Empoli, Pisa, Livorno, Montecatini sa Toskana, Roma sa Lazio, Napoli, Salerno sa Campagna, Cagliari sa Sardegna , Messina, Palermo, Catania sa Sicily at Calabria. Mainit ang pagtanggap ng mga OFW kahit pa nagtatakda ng limang minutong panahon para masagutan ang Survey Form. 

Ang resulta ng SURVEY ay dudulo sa paglulunsad ng isang Para-Legal-Seminar na gaganapin sa Hotel Capodimento, Napoli ngayong Marso 31-Abril 1, 2018. Ang pag-aaral sa naging resulta ng Survey ay pangungunahan ni Abogado Jellie Molino, kasalukuyang naka-enrol sa Unibersidad ng Torino na kumukuha ng PhD in LAW and Institution. 

Sa ngayon pa lamang, mahigit 55 presidente at opisyales ng mga Pederasyon, Tsapter at Asosasyon ang nagpalista para busisiin at himayin ang napapanahon na pag-alam sa konkretong kalagayan ng mga OFW sa Italya.

Inaasahan din na pagkatapos ng Seminar ay makapagbabalangkas ng mga resolusyon, rekomendasyon na siyang ihahapag ng OFW Watch Italy sa kinauukulan. Buo din ang tiwala ng pamunuan na tutuparin ni Kalihim Alan Peter Cayetano ng Kagawaran sa Ugnayang Panlabas ng Pilipinas ang pangako na kanyang papakinggan ang magiging resulta ng sinasagawang survey ng Pambansang Alyansa.

Ayon sa Presidente ng alyansa, Rhoderick Ramos Ople, “Ngayon pa lamang nangyari na sa Italya na may isang Pambansang Samahan na nangahas pag-aralan at siyasatin ang aktwal na kondisyon sa paggawa, pamumuhay at kanilang integrasyon sa dinayuhang bansa. Mahalaga ito para kongkreto, makabuluhan at angkop sa kanilang interes ang ihahapag nating rekomendasyon”.

Pangangasiwaan naman ni Laarni Silva ang pagsusuri ng datos at itinalagang Punong Istatistiko ng Survey. Tatanggapin niya ang mga pinapirmahang form ng survey sa kalagitnaan ng Marso bago ang nabanggit na Seminar sa syudad ng Napoli.

 

Narito ang survey. 

ni: Ibarra Banaag

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Narito ang halaga ng assegni per il nucleo familiare hanggang June 2018

ERAFILCOM, pang-Rehiyong Alyansa ng Emilia Romagna, naitatag na