Paalam Lenlen, ang 26 anyos na Pilipina na nahagip ng isang kotse na walang drayber habang nakasakay sa bisikleta sa Sovigliana.
Empoli – Nobyembre 21, 2013 – Ginanap noong, Martes Nobyembre 19, sa Collegiata di Empoli ang libing ni Melanie Cortez , ang 26 taong gulang na Pilipina na nahagip ng isang kotse na walang drayber habang nakasakay sa bisikleta sa Sovigliana, Miyerkules ng gabi, Nobyembre 13.
Ang sasakyan, sa katunayan, ay naka-park sa isang pababang kalsada. Halos malayu-layo rin ang itinakbo ng matuling sasakyan (monovolume) mula kung saan ito naka-park at nahagip ang pasalubong na si Melanie habang sakay ng kanyang bisikleta pauwi ng kanilang bahay.
Sa kabila ng pagsugod ng 118 (ambulansya) ay sumakabilang buhay ang biktima na sana’y magdiriwang ng kanyang ika- 27 kaarawan sa Biyernes Nobyembre 22.
Sa huling pamamaalam kay Lenlen, ang palayaw ng dalaga, tinatayang halos 150 katao ang nakiramay sa pamilya. Pinangunahan ang banal na misa ni Don Giudo, ang paroko ng via Chiara kung saan naninirahan ang pamilya ng biktima, kasama si Don Crisostomo, ang paring Pilipino.
Ang pamilyang naulila ni Lenlen ay nagbigay rin ng pahayag ukol sa katatapos lamang na trahedyang tumama sa Pilipinas at nangolekta ng halagang maitutulong sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
Bukod sa pamilya, kamag-anak, kaibigan at mga kababayan ay nakiramay rin maging ang mga employer ng ina ni Lenlen, ang pamilya Pinzani .
Kasalukuyang sinusuri kung ang naging dahilan ng aksidente ay isang kapabayaan o ang pagkasira ng preno ng sasakyan.
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]