Hindi ikinatuwa ng mga nakaabang sa May fight nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather ang pagkakakulong ni Mayweather ng 90-araw bilang sentensiya sa kasong domestic violence.
“We’re not going to wait for him. We’re going to fight,” pagbibigay-diin naman ng trainer na si Freddie Roach, ayon sa isang panayam. Iginigiit nito na tuloy ang mga laban ng kanyang alaga bagaman hindi naging maganda ang majority decision win para idepensa ang WBO welterweight belt laban kay Mexican Juan Manuel Marquez noong Nobyembre.
Ang mga posibilidad para kay Pacman ay ang pang-apat na pakikisagupa kay Marquez, rematch kay Miguel Cotto, maging ang paghamok kay junior welterweight champion Timothy Bradley. Lumubas din ang pangalan ng bagong koronang IBF/WBA junior welter champion na si Lamont Peterson na tumalo sa sparring partner ni Pacquiao na si Amir Khan noong Disyembre.
Ngunit wala pa ring pinal na desisyon at patuloy ang paninimbang ni Roach sa mga opsyon para sa pagbabalik sa ring ni Pacman sa Mayo o Hunyo. Itinanggi rin ni Roach ang mga lumabas na ulat na si Peterson ang first choice nito.