Nagdaos ng anibersaryo kumakailan ang komunidad ng Santo Rosario kasama ang mga deboto ng Birhen ng Santo Rosario, Reyna ng Caracol. Bagamat ang debosyon ng patrona ng Rosario, Cavite ay kilala ay marami pa rin ang nagtatanong kung paano at saan ito nagsimula.
Ang “karakol” ay ang pagdadala ng imahe ng Birhen ng Santo Rosario sa isang prusisyon habang ito ay isinasayaw. Kalimitan itong nagsisimula sa malapit sa karagatan patungo sa mga pangunahing kalsada ng lugar hanggang sa maihatid sa simbahan ang Birhen. Ayon sa kilalang kasaysayan ng debosyon, nagsimula umano ito nang makita ng ilang kabataan ang imahe ng Birhen na paanod-anod sa dagat patungo sa dalampasigan. Ilang beses umano itong sinagip at itinago ngunit muli itong natagpuang lumulutang sa may dalampasigan. Dito nagsimula ang matinding debosyon sa Mahal na Birhen hanggang sa gawin itong patrona ng bayan ng Salinas Marcella. Nang lumaon, ang pangalan ng bayang ito ay pinalitan at naging Rosario na dala dala nito hanggang sa kasalukuyan.
Ang pagdiriwang na isinagawa sa circolo ng Ponte a Ema sa Firenze ay dinaluhan ng iba’t ibang grupo at asosasyon mula sa buong lungsod ng Firenze at mga karatig-lugar nito. May mga nakiisa din mula sa probinsya ng Pistoia, Prato at sa thermal city ng Montecatini Terme.
Ang pagdiriwang ng debosyon sa Nuestra Señora Virgen del Santissimo Rosario de Caracol sa Firenze ay umabot na sa ika-11 taon. Taong 2005 nang dalhin nina Erick at Arlene ang imahe ng Birhen sa sentro ng Italya upang mailapit and Ina sa kanyang mga deboto dito. Ang debosyon ay mas lalong nakilala. Mula sa simpleng pagbisita ng Birhen sa mga tahanan ng mga Pilipino sa Firenze ay nagsimula ang pagdiwang ng kapistahan ng Karakol noong taong 2011.
Ang pagdiriwang sa taong ito ay sinimulan ng taimtim na panalangin ng santo rosaryo na sinundan ng banal na misa sa pangunguna ni Fr. Cris Crisostomo. Puno ng emosyon ang pagdiriwang bilang pasasalamat sa Panginoon sa biyayang ipinagkaloob sa mga deboto lalo na sa nakaraang mahigit sa dalawang taon dahil sa malupit na hagupit ng pandemyang covid. Sa kanyang pagbabahagi ng banal na aral ay binigyang saysay ni Fr. Cris ang mga mahahalagang katangian ng Mahal na Birhen na isang mabisang tulong upang mas mailapit tayo sa Panginoon. Nilinaw din ng chaplain na hindi umano sinasamba ang Birhen, ngunit binibigyang pugay dahil sa kanyang ipinakitang kabanalan na dapat tularan at isabuhay ng mga nagmamahal sa Diyos.
Matapos ang pagdiriwang ng banal na misa ay inihanda na ang andas ng Birhen ng Santo Rosario na napuno ng mga alay na bulaklak. Umalingawngaw sa buong lugar ang sigaw ng mga deboto na “Viva La Virgen del Santo Rosario, Reyna ng Caracol!” Hindi naman napigilan ng karamihan ang pagtulo ng luha sa sobrang emosyon, puno ng galak at pasasalamat.
Sa pagsayaw ng Caracol ay nagsalitan sa pagdala ng andas ang iba’t ibang asosasyon. Ang Guardians Emigrant Montecatini, Mabinians, Quezonians, Guardians Emigrant Firenze, Simple Moms, Mindorenians, Guardians Emigrant Pistoia, Firenze Zumbaers, Mabini and Friends (MAF), Red Soil, AGT Group, CONFED Tuscany, Fortezza Group, San Agustin group, Franciscan Sisters of Transfiguration (Fortini) at OFW Watch ay ilan lamang sa mga asosasyong nagparamdam ng suporta sa nasabing pagdiriwang.
Matapos ang pagsayaw ng Caracol ay isinagawa naman ang pagbabasbas sa mga may kaarawan sa buwan ng oktubre pati na rin ang mga nagdiwang ng anibersaryo ng kasal na sinundan ng isang masayang salu-salo.
Lubos ang pasasalamat ng pamilya ng Santo Rosario sa pangunguna nina Erick, Arlene, at Rio Abutin sa walang sawang pagsuporta ng mga deboto ng mahal na Ina ng Santo Rosario Reina de Caracol.
Quintin Kentz Cavite Jr.
Photocredits: Erwin Torres