“Pagkakaisa, Pag-Aambagan, Pagsulong”, tema ng simple ngunit makasaysayang paggunita sa Araw ng Kalayaan.
Milan, hunyo 16, 2016 – Simple lamang subalit makasaysayan ang selebrasyon ng pagdiriwang ng ika-118 taong anibersaryo ng kalayaan ng Pilipinas na isinagawa ng Philippine Consulate General sa Milan. Ito ay may temang “Pagkakaisa, Pag-Aambagan, Pagsulong”.
Nag-alay ng misa ang Filipino Community sa Santa Maria del Carmine kung saan ipinagdasal din ang pagkakaroon ng maayos na bagong administrasyon hanggang sa susunod na anim na taon.
At pagkatapos ng misa ay nagkaroon ng isang salu-salu sa labas ng simbahan.
“Natutuwa kami dahil maraming nakiisa sa paggunita ng 118th anniversary ng Philippine National Independence day and we are looking forward to the launching of the new Philippine Government Administration, may bagong pag-asa at bagong simula.” Ito ang masayang tugon ni Consul General Marichu Mauro.
Nagkaroon ng flag raising ceremony sa harap ng gusali ng Philippine Consulate General in Milan bilang pagbibigay pugay sa ating mga pambansang bayani at sa mga Pilipinong lumaban upang makamtan ang kalayaan ng bansang Pilipinas.
Isang art exhibit din ang ipinamalas ng dalawang kilalang filipino artists na sina Pastor Lito Gandia at Richard Gabriel, na nauugnay sa ating bayan.
Sa interpretasyon ni Pastor Lito Gandia sa kanyang pangunahing exhibit ay ang obra ng ating pambansang bayani, si Dr. Jose Rizal.
“Nais nating ipaabot sa lahat, lalo sa mga Italyano na puwedeng ibahagi ang kasaysayan ng ating bansa, sa pamamagitan ng sining”, wika ng pastor.
Samantala, pangunahing obra naman ni Richard Gabriel ang pagpinta ng isang malaking kalabaw. Interpretasyon ni Gabriel na maliban sa pagiging pambansang hayop, ay ang pagiging masipag ng kalabaw.
“Katulad ito ng Pilipino na matiyaga at lahat ng gusto mong ipagawa, ay ginagawa”, ani ni Gabriel.
Isang mensahe naman ang nais ipaabot ni Gandia sa ating mga kababayan.
“Para sa ating mga kababayan, kami po sa ibang bansa, maging sa pamamagitan ng sining ay ibinabahagi ito para ipaalala sa lahat na nagbuwis ng dugo at nagsakripisyo ang ating mga bayani at ating mga ninuno para magkaroon tayo ng kalayaan”, wika ni Gandia.
Idinagdag pa ni Gandia na sa papanatili ng mga Pilipino sa ibang bansa ay patuloy pa rin ang pagiging makabayan na makikita sa paggunita sa kasysayan ng bansang Pilipinas isa na rito ay ang Araw ng Kalayaan ng ating bansa.
ulat ni Chet de Castro Valencia
larawan nina Jesica Bautista,
Zonia Mitra Wagan,
Philippine Consulate General in Milan