in

PENSO A TE, para sa pagsusulong ng Programang Edukasyong Pinansyal

PENSO A TE Programang Edukasyong Pinansyal Ako Ay Pilipino

Sa pangingibang-bansa ng mga Pilipino, isa sa mga pangunahing layunin ay ang kumita at makapagbigay ng maginhawang pamumuhay sa kanilang pamilya. Pero paano kung hindi niya naihanda ang kanyang sarili sa pagpaplanong mabuti kung paano ang mga tamang pamamaraan ng pamamahala ng kanyang kita at ipon? Baka dumating ang araw ay sa wala rin mapunta ang kanyang mga hirap at sakripisyo kung hindi sapat ang kaalamang pinansyal.

Ito ang naging misyon ng grupong PENSO A TE, sa wikang Ingles ay I THINK OF YOU, o sa Tagalog ay INIISIP KITA. Binubuo ito ng 9 na indibidwal, Manuela Prandini, Pier Paolo Ficarelli, Nonieta Adena, Mercedita De Jesus, Sabrina Marchetti, Claudio Ranieri, Claudia Severi, Giuglio Tagliavini at Luisa Zanichelli. Sila ay may nagkakaisang paniniwala na mahalagang bagay ang pagkakaroon ng malawak na kaalaman at pantay na pagkakataon upang makamit ang mga serbisyo at oportunidad na pinansyal. Ito ay upang maging mas makabuluhan ang sakripisyo sa pangingibang-bayan. Ang grupo ay magbabahagi ng kani-kanilang kasanayan at karanasan para makapagbigay ng malalim na kontribusyon sa integrasyon at pang-ekonomiyang pagpapalakas ng mga kababaihang manggagawa. 

Ang PENSO A TE ay bunga ng research study ni Manuela Prandini, mula sa Reggio Emilia, na nagtapos ng kanyang PhD in Extension Education sa Unibersidad ng Pilipinas sa Los Banos. Ginawaran din siya ng karangalang Best PhD Dissertation 2019-2020 mula sa Department of Public Affairs and Development.  Katuwang ang kanyang kabiyak na si Pier Paolo Ficarelli, pinalawig nila ang ideya na magkaroon ng isang grupo na magbibigay ng mga pag-aaral at gabay sa mga kababaihang Pilipina na narito sa Italy. Nakipag-ugnayan sila sa mga lider-kababaihan na ilan dito ay sina Charito Basa ng Filipino Women’s Council sa Roma, Nonieta Adena ng FilCom Genova at Mercedita De Jesus ng Filipino Women’s League ng Bologna.

Itinatag ang PENSO A TE, bilang isang Association for Social Promotion, kung saan ang naging unang proyekto ay ang pagkakaroon ng Financial Literacy Course, nguni’t dahil sa pandemya ay ginawa ito sa pamamagitan ng online at nakabase sa Facebook platform.  At nito ngang ika-14 ng Pebrero, 2021, dalawang grupo ng mga Pilipina ang tumanggap ng kanilang sertipiko, sa pamamagitan ng birtual na pagtatapos. Mula sa grupong THE PACESETTERS ng Bologna, nagtapos sina Mercedita De Jesus, Mary Cris Cocjin, Adelle Ignacio, Angela Bermudez, Grace Ramos at Violeta Hembrador. Mula naman sa THE LIGHTHOUSE ng Genova ay sina Nonieta Adena, Josephine Daep, Renelia Adena, Ma. Charmaine Plata, Glenda Quintana at Regalia Ursolino. 

Ang kursong natapos ng dalawang grupo ay tumagal ng 12 linggo at binubuo ng limang modulo kung saan ay nakapaloob sa bawat sesyon ang mga aralin gaya ng mga sumusunod: motivational, setting financial goals, making family budget, saving, borrowing, investing, managing remittances at insurance protection. Sa bawat linggo ay may consultation meeting kung saan ay maaaring palawigin ang mga aralin, maglinaw at magdagdag pa ng kaalaman ang bawat isa.

Matapos ito ay magbubukas naman ng panibagong kurso para sa nais pang magpatuloy at maging isang financial trainer na siya namang tututok sa komunidad o mga miyembro ng organisasyong nais ding matuto. Nasa layunin din nito na maibahagi ang kurso sa iba pang lahi na migrante bukod sa mga Pilipino.

Sa buwan ng Marso ay magsisimula muli ng bagong grupo para sa online course. Sa mga nais ng dagdag na kaalaman ukol sa PENSO A TE at sa kurso, maaaring tingnan ang kanilang website www.pensoate.org o sa kanilang Facebook page Penso a Te APS o makipag-ugnayan sa email: info@pensoate.org.

Ang positibong migrasyon ay nakabase din sa tamang edukasyong pinansiyal. Kung may maayos at malalim na pagkaunawa sa financial literacy and management, ang bunga nito ay personal empowerment at financial success. (Dittz Centeno)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Pinoy patay matapos mabaril ng pulis sa Milano Ako Ay Pilipino

40-anyos na Pinoy, nagwala sa Parma dahil sa droga

Required salary para sa Ricongiungimento Familiare 2021