Arestado ang isang 29-anyos na Pinoy sa Bologna matapos itong magwala sa labas ng isang kilalang tindahan ng mga sports items, partikular ng mga sapatos na pang basketball.
Ayos sa ulat ng mga awtoridad, bandang alas 5:30 ng hapon, ika-6 ng buwan ng Mayo nang mangyari ang pag-amok ng nasabing Pinoy sa labas ng nabanggit na shop sa Piazza Galilei, mismong sa harap ng Questura.
Ayon sa mga nakasaksi, kapansin-pansin ang inis sa mukha ng Pinoy at ang inirereklamo umano ay ang haba ng pila. Gusto umano nito ng sapatos ngunit sa dami ng tao sa loob ay uminit ang ulo dahil ayaw pumila at saka ito nagwala.
Gamit ang isang kinakalawang na bakal na ring ng basketball ay pinagbabalibag nya ito sa salamin ng negosyo na nasa banda ng via Battibecco.
Ang nasabing vetrina ay isang espesyal na salamin at security armored kung kaya’t hindi ito agad tuluyang nabasag bagamat makikita ang malubhang pinsalang dulot ng biyolentong paghampas.
Nagtakbuhan ang maraming kliyente ng negosyo dahil sa takot.
Agad namang rumisponde ang mga pulis na nasa harap lamang ng tindahan ang himpilan.
Sa pagiimbestiga ay lumabas na marami ng kaso ang lalake at kilala na ito ng mga awtoridad. Noong nakaraang taon ay ilang tao ang kanyang nasugatan nang batuhin ng basag na bote ang mga ito habang naglalakad malapit sa kanyang kinatatayuan. Nang arestuhin ay nakuha sa kanya ang isang knapsack na may lamang mga bato na pinaghihinalaang handang gamitin para manakit ng mga taong mamalasin na makakasalubong niya sa kanyang landas. Nagkaroon na din ito ng ilang biktima ng pananakit gamit ang ilang matutulis na bagay.
Ang arestadong pinoy ay nasa pangangalaga ng mga awtoridad at muling papasailalim sa pagsusuri ng mga espesyalista dahil napatunayang may karamdamang pang-kaisipan o mental problem.
Quintin Kentz Cavite Jr.