in

Pinoy, nagpakita ng kabayanihan sa Catania

Dalawang araw na nasa ilalim ng red allert dahil sa sama ng panahon ang Catania, isa sa mga probinsya ng Sicily. Nakaranas din ng matinding pagbaha sa halos 90% ng syudad, lalong lalo na ang sentro na.umabot sa halos ga-balikat ang taas ng tubig. Hindi lang basta baha, kasabay nito ang malakas na agos ng tubig na halos matangay pati mga sasakyan na nakaparada sa mga kalsada.

Nagdeklara ang Mayor ng Catania na si Salvo Pogliese ng pagsasara ng mga klase sa lahat ng antas mula pa noong Lunes ika 25 ng ottobre, at bandang alas 4 ng hapon kahapon, araw ng Martes idineklara naman ang pagsasara ng mga iba’t-iba pang establisimento at mga malls o centro commerciale. Ngunit dahil huli na ang naturang pag-abiso, nakapasok na sa trabaho ang marami  at ilan sa ating mga kababayang Pinoy ay nanatili na lamang sa bahay ng kanilang employer, o sa lugar kung saan sila nagtatrabaho. Mayron ding napilitang maglakad gaya na lamang ni Alma Fernandez tubong Quezon City. Aniya inabot siya ng halos 2 oras na paglalakad, walang bus o kahit na anong sasakyan dahil lahat ng kalsada ay di na madaanan, buhol-buhol na ang trapiko.

Pinoy, nagpakita ng kabayanihan

Ngunit sa kabila ng mga pangyayaring ito isa na namang kababayan natin ang tinuturing ngayong Bayani ng Catania dahil sa kanyang ipinamalas na katapangan upang matulungan ang isang ginang na na-stranded ang sasakyan sa gitna ng kalsada sa kahabaan ng Via Etnea.

Makikita sa mga kumakalat na video ang ipinamalas na kabayanihan ni Celestino Floralde Jr, o John kung tawagin. Sinuong niya ang malakas na pagragasa ng tubig baha upang kunin ang babae sa gitna ng kalsada. Hindi nito inalintana ang panganib na maari niya maranasan. Aniya siya ay papauwi na galing sa pamimili ng pagkain nang makita niyang inaanod ang mga kagamitan ng isang shop (negozio) at naisipan niyang tulungan ito. At habang siya ay tumutulong nakita din niya ang nasabing ginang na lumabas sa kanyang sasakyan na nasa gitna ng rumaragasang tubig baha.

May mga iba din naman na nandun, pero walang gustong sumuong dahil nga siguro mga natatakot, eh nanaig ang awa at pagiging matulungin natin kaya hindi ko na inisip na delikado“, kwento ni John. Dagdag pa nito, halos 40 minutos din silang nanatili sa gitna hanggang may naghagis sa kanila ng tali at kanyang itinali sa isang bakal upang sila ay hindi anurin habang papunta sa mas mataas na bahagi ng kalsada.

Umani ng napakaraming papuri mula sa lahat ng mga Catanese ang kabayanihan na ipinamalas ng ating kababayan.

Si Celestino Floralde jr ay 45 taong gulang. Ang  kanyang maybahay ay si Melody Manibo at may 2 silang anak na sina Isabella at Elizabeth.

Alam nyo naman, ang Pilipino ay tunay nang matulungin at maawain” pagtatapos ni John!

Mabuhay ka kabayan! (Leni Vallejo – Catania)

Click to rate this post!
[Total: 5 Average: 3.8]

Pinoy, nag-suicide matapos arestuhin dahil sa pananakit sa asawa

86% ng populasyon sa Italya, bakunado na kontra Covid19