Messina, Nob 30, 2012 – Matagumpay na naidaos ang dalawang araw na Outreach Services ng POLO ROME sa lalawigan ng Messina noong Nobyembre 24-25, 2012. Sa unang araw pa lamang ng Outreach Services ay dinumog na ito ng napakaraming Pilipino. Bagamat alas tres ng hapon ang anunsyong ipinakalat sa lahat para sa una nitong araw, maagang nagdatingan ang mga Pilipino sa tanggapan ng Patronato CIR-FEN sa Via Gasparro, 7 na matatagpuan sa mismong sentro ng siyudad ng Messina. Sa tanggapang ito nakatalagang ganapin ang nasabing 2-day Outreach Services sa pangunguna ng ating kasalukuyang nakatalagang Labor Attachè, Atty. Viveca C. Catalig kasama ang iba pang mga kinatawan ng SSS, PAG-IBIG at OWWA. Kabilang din ng kanilang Outreach Program ang POEA Services kasama ang pagbibigay ng “exit pass” sa mga Pilipinong nakatalagang umuwi sa Pilipinas para magbakasyon.
“Ang ganitong mga espesyal na event ang laging pinakakaabangan at hindi pinapalampas ng ating mga kababayang Pilipino dito sa Messina.” Ito ang nabanggit ni Ms. Amphy Macalalad, Sekretarya ng Associazione Communitaria Filippina di Messina (ACF Messina), isang samahan ng mga Pilipino sa nasabing lungsod na siyang namahala para sa pagpapanatili ng kaayusan sa nasabing okasyon. Aniya, “Hindi biro-biro ang pagod at malaking pera at time din ang gugugulin naming mga taga-Messina kung saka-sakaling pupunta pa kami sa Roma para mag-asikaso ng aming mga documents katulad ng pagbabayad ng aming SSS contributions o renewal ng OWWA membership.” Ang lungsod ng Messina ay ikatlo sa pinakamalaking lungsod sa rehiyon ng Sicily na binubuo naman ng isang malaking isla, kaya ito ay likas na nakabukod sa iba pang mga parte at mga lalawigan sa Italya. Tinatayang mahigit na sa 2,000 ang bilang ng mga Pilipino na kasalukuyang naninirahan at naghahanap-buhay sa Messina.
Ang nasabing outreach services ay dinaluhan din ng mga Pilipino mula sa mga karatig na bayan tulad ng Reggio Calabria, Giarre, Catania at Milazzo. “Maganda ang samahan ng mga Pilipino dito sa Messina, may mga malasakitan ang mga Pilipilino sa bawa’t isa. Buhay na buhay pa rin ang ating kinagisnang bayanihan spirit dito kahit malayo man kami sa ating bansang Pilipinas. Magkakapatid at magkakamag-anak na ang turingan namin dito.” Ito ang may pagmamalaking nabanggit ni Ms. Natalia Amboy Pasague, mas kilala sa tawag na Nanay Naty, kasalukuyang Presidente ng asosasyong ACF Messina. Maituturing din ng mga opisyales at mga kaanib ng ACF Messina na isang malaking biyaya ang pagkakaroon nila ng isang maunawain at matulunging Adviser sa katauhan ni Sig. Felice Tramaglino.
Nakatakdang magkaroon ng isa pang malawakang Community Outreach Services ang POLO-Rome sa Messina sa darating na Marso 2013. Wala pa itong tiyak na eksaktong petsa sa kasalukuyan ngunit ito ay kanila ng pinaghahandaan. Inaasahan na kapapalooban ito ng mas malawak na mga services para sa mga Pilipino katulad ng renewal ng passport.
Mula sa AKO AY PILIPINO, congratulations sa POLO-ROME at ACF Messina at sa lahat ng iba pang naging bahagi sa tagumpay katatapos lamang na Outreach Services ng POLO-ROME sa lalawigan ng Messina. (ni: Rogel Esguerra Cabigting)