Tatlumpung (30) taon ng naging tahanan ng Filipino Catholic Community of Florence ang Simbahan ng San Barnaba. Ito ay nakatayo sa pagitan ng Via Panicale at Via Guelfa sa Florence.
Itinakda noong ika-2 ng Hunyo ng taong kasalukuyan, ang pagdiriwang ng ika-tatlong dekada sa San Barnaba.
Ang tema sa naging pagdiriwang: “Balik- tanaw sa nakaraan: noon at ngayon”.
Ito ay may natataging layuning ipaalala sa mga mananampalataya na ang tanging daan upang maunawaan ang kasalukuyan para sa ikagaganda ng kinabukasan ay sa pag-babalik tanaw sa nakaraan.
Isang palatuntunang espiritual at kultural ang inihanda ng pamunuan ng Konselyo Pastoral na ginanap sa Palasancat, Via del Messetta #1.
Dinaluhan ang nasabing pagdiriwang ng iba’t-ibang asosasyon na nagmula sa mga lalawigan at mga religious group mula sa Toscana.
Ang mga kababayanng dumalo ay nakisaya at naghandog ng mga katutubong sayaw at pagkain na tampok sa pinanggalingang lalawigan tulad ng Batangas, Cordillera, Ilocos, Laguna, Mindoro, Pampanga, Pangasinan, Quezon at Vis/Min.
Ang mga religious group ay ang Sentro Katoliko ng Empoli, ang mga Filipino Catholic groups ng Prato at Pistoia at ang Santo Rosario mula sa Firenze.
At sa kadahilang ito ay isang Spiritual at Cultural program, sinimulan ang programa sa isang Prusisyon ng mga Santong Patron. Pinangunahan ng mga napiling tagapag-alay na nakasuot ng mga katutubong kasuutan.
Sinundan kaagad ito ng pagdiriwang ng Banal na Misa na pinagunahan ni
Fr. Reynold Corcino. Nakiisa sa pagdiriwang sina Don Gianni Guida, Don Amerigo Ebio at Fr. Cris Crisostomo.
Sinundan ito ng pagsasalu-salo ng pananghalian na sinabayan habang kumakain ng pagtatanghal ng mga video na nagpapakita ng kagandahan at kultura ng kani-kanilang Lalawigan.
Sa ganap na ika- 2:30 ng hapon sinimulan ang ikalawang yugto ng pagtatanghal na kultural.
Mga katutubong sayaw, awitin at tula ang nasaksihan ng mga kababayan natin. Napapanahon din na sa pagkakataong ito na alalahanin ang mga dating kasamahan ng Sambayanan ng San Barnaba na pumanaw na sa pamamagitan ng isang video presentation na pinamagatang “In Memoriam”, sa pagsasalaysay ni Sr. Erlita Bautro at nilikhang video ni Sis.Rachel Aranda.
Pasasalamat ang buod ng huling yugto ng palituntunan sa panhuling pananalita ng overall coordinator na si Sis. Lenie Datingguinoo, at sa Awit Pasasalamat ng Music Ministry.
At bago tuluyang magwakas ang maghapong pagdiriwang isang pa-stereo o Dance for all ang isinagawa.
Ang mga naatasang maging tagapagpakilala ay sina Sis.Boots Reyes, Bro. Michael Ballesteros, Sis. Monica Catapia at Bro Ron Arago.
Ang simbahang San Barnaba ay ipinagkatiwala sa komunidad upang gamitin ng mga Filipinong mananampalataya noong Marso taong 1988 sa pamamagitan ng noo’y Archbishop Silva Cardinal PIovanelli at sa pagtutulungan nina Sr. Carolina Ganson, Oblate Sisters of Holy Spirit at Msgr. Angiolo Livi.
Bro. Oscar Esguerra