“Ang Pamilyang Nagkakaisa sa Pananampalataya ay haligi sa Simbahan”
Roma. May 31, 2012. Kasabay ng pagdiriwang ng kapistahan ng Pentekostes ay ang ika-21 Anibersaryo ng Sentro Pilipino Chaplaincy- Rome. Twenty One (21) beautiful years of serving the Filipino Migrants of Rome and witnessing to Christ, as One family with One mind, One heart and One Spirit.
Bilang tanda ng pag-alala sa tradisyon isinagawa ng mga kababayan natin ang naka-ugaliang Flores de Mayo o Santacruzan. Ang East, West, Center, North and South Clusters na binubuo ng iba’t-ibang Filipino Communities ay masayang lumahok sa pagdiriwang. Tatlumpu’t siyam (39) na naggagandahang mga Sagala o Reyna kasama ang kani-kanilang mga Escort ang sumali sa prusisyon. Gayundin ang mga munting anghel na lalong nagpatingkad sa naturang okasyon na sinaliwan ng tugtog ng banda. Tampok din si Reyna Elena kasama si Prinsipe Constantino. Sa pinakahuling parte ay ang imahe ng Blessed Virgin Mary- Our Lady of the Philippines na napalilibutan ng mga bulaklak at siyang pinaka-tampok sa selebrasyon.
Mula sa Simbahan ng Sta. Pudenziana ay nagtungo ang lahat sa Basilica ng Santa Maria Maggiore upang doon ay isagawa ang pagpuputong ng korona sa imahe ng Mahal na Ina at pag-aalay ng bulaklak ng mga Sagala.
Ang Banal na Misa ay pinangunahan ni His Eminence Cardinal Bernard Francis Law, Vice- Chaplain SPC Fr. Ricky Gente, CS at iba pang mga Kaparian. Sa pasimulang bahagi ng Misa ay nakatataba ng puso ang sinabi ng Cardinal “What struck me is that Pentecost is very important to Filipinos, in the past until this present time, The Filipinos are Missionaries of the world”…
Punong-puno ang Basilica ng mga migranteng Pinoy na muli ay nagkaisa at nagsama-sama para sa espesyal na araw na iyon. Isinalin sa iba’t-ibang dialects ng ating bansa ang Panalangin ng Bayan, tanda ng kahit may pagkakaiba ang ating mga wika ay naroon pa rin ang isang Diwa.
Nagbigay din ng suporta sa SPC ang dalawang Embahada ng Pilipinas: Ang Holy See, sa presensya ni Con. Gen. Danilo Ibayan. Ganoon din ang ibinigay na suporta ng mga sumusunod: Legion of Mary, Religious Sisters and Priests, Guardians, FederPhil, Evangelizers, Pilgrimage Committee, Asli, Filipino Community Spiritual Advisers, Coordinators and members at ang iba’t-iba pang mga business establishments na nagbigay sigla at saya sa lahat ng naroon.
Matapos ang Misa ay nagtungo ang lahat sa likod ng Basilica para sa pagpapatuloy ng kapistahan. Nagbigay din ng mensahe si Consigliere Romulo Salvador at si Msgr. Pier Paolo Felicolo, Director of Migrants Diocese of Rome.
Nagpakitang gilas ng kani-kanilang talento ang mga kalahok sa programa mula sa mga Community Clusters. Ibinahagi nila ang yaman ng kulturang Pinoy sa pamamagitan ng pag-awit, deklamasyon at pagsayaw.
Nagsagawa din ng mga games at papremyo para sa lahat.
Anupa’t ang araw na iyon ay nagsimula at natapos na ang bawat isa ay may ngiti sa mga labi, di alintana ang pagod sapagkat masayang nagsalu-salo sa mga biyaya at nagkaisang magbigay parangal sa Ina ng Diyos, Ina ng Simbahan at Reyna ng Sanlibutan.
Sa ngalan ni Fr. Romeo Velos, CS at ng lahat ng bumubuo ng Sentro Pilipino Chaplaincy- Rome, taos-pusong nagpasalamat si Fr. Ricky Gente, CS sa lahat ng nakiisa at dumalo sa mahalagang pagdiriwang na iyon. Nawa ay lalo pang mapagtibay ng isang Pananampalataya ang Pamilyang Pilipino. (ni: Lorna Tolentino – SSFC, larawan ni: Boyet Abucay)