Milan – Hindi mga artista ang bida sa pagdiriwang ngayong taon ng ika-113 taong anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas dito sa Milan.
Mismong mga Filipino Community ang bumalandra at nagpasikat upang maging masaya, makulay, maingay at makahulugan ito.
Ang pagdiriwang ay hinati sa dalawang bahagi. Ang una ay ang misang bayan na ginanap nang alas onse y medya ng umaga habang ang ikalawang bahagi na cultural program ay sinimulan matapos ang pananghalian.
Ang cultural program na pormal na sinimulan ng parada ng mga lumahok na Filipino communities ay pinangunahan ng Konsulado ng Pilipinas.
Ilang grupo ang aktibong nakilahok ngayong taon sa pagdiriwang ng Kalayaan ng Pilipinas kabilang ang iba’t ibang samahan mula sa Veneto region sa pangunguna ng Association of Filipino Community Presidents (AFCP).
Dalawang bus mula sa Veneto region ang dumayo sa Milan para makilahok sa okasyon.
Habang takaw –pansin naman sa mga dumalo ang grupo ng mga kalalakihang nakasuot ng itim na t-shirt na may tatak “KALIPI” o Kapisanan ng mga Litratistang Pinoy sa Italya. Habol ng tingin ng marami ang mga ito dahil sa umano’y pagsugod daw ng mga paparazzi.
Katulad ng mga nakaraang taon, naging showdown ng magkakaibang talento ng Pinoy ang pagdiriwang.
Bagamat masasabing tagumpay ang okasyon,. May iisang reklamo ang narinig sa karamihan.
Ito ay ang pagiging napakasikip daw ng lugar ng pinagganapan. Gayunman, may mga nagsasabing mas maganda ang sitwasyon dahil kitang-kita ang pagkukumpol-kumpol ng mga Pinoy. (ni ZITA BARON)