in

Sinulog Festival 2023 sa Bologna

Tuwing  ikatlong Linggo ng buwan ng Enero, ipinagdiriwang ang SINULOG FESTIVAL sa Cebu City, kung saan nagsimulang iselebra ang pagkakahandog ni Ferdinand Magellan ng relikya ng Santo Nino kay Raha Humabon noong taong 1521. Isa ito sa pinaka-importanteng bahagi sa kasaysayang pang-relihiyon  dahil nabigyang-daan ang pagsisimula ng Kristiyanismo sa ating bansa.

 Ang salitang “SINULOG” ay nagmula sa diyalektong Cebuano na “sulog” na nangangahulugang “gaya ng agos”, na makikita sa pasulong-paurong na mga hakbang na bahagi ng sayaw.

At ito ang nasaksihan ng mga taga-Bologna nang magtanghal ng kanilang Sinulog Dance ang VISAYAS-MINDANAO Bologna and Friends o VIS-MIN BoF, isang grupo ng mga taga-Visayas at Mindanao na kasama rin ang iba pang mga kaibigan mula sa Luzon. Ipinamalas nila ang sayaw matapos ang isang misa na ginanap sa Basilica di Santa Maria Dei Servi at pinangunahan ni Fr. Val Pinlac, ang spiritual adviser ng grupong Catholic Filipino Community of Bologna o CFCB. 

Ang VIS-MIN BoF ay nagdiriwang din ng kanilang ikalimang anibersaryo kaya nagsilbi din itong isang handog para sa Santo Nino. Ang kanilang koreograpo na si Romy Kaindoy at ang pangulo na si Vinez Jaclynn Buenafe ang nanguna sa pagsasayaw na lubhang ikinalugod naman ng mga kababayang Pilipino at maging ng mga Italyano na nakapanood. Ang kanilang pagtatanghal ay sinundan ng isang masaganang pag-sasalu-salo ng tanghalian.

European Fiesta Señor 2023

Matatandaang noong ika-27 ng Enero, 2019, ginanap ang Sinulog Festival sa Torino kung saan sila ang nagkamit ng unang gantimpala. Ang grupo ay muling magtatanghal ng kanilang panlabang presentasyon sa darating na Abril 29-30, 2023, sa EUROPEAN FIESTA SENOR 2023, MILANO KAPLAG AND SINULOG FESTIVAL. Ito ay isang selebrasyon ng pasasalamat  at ang mga misa ay pangungunahan nila H.E. Most Reverend Dennis c. Villarojo, D.D., Bishop of the Diocese of Malolos at H.E. Most Reverend Jose S. Palma, O.P., Archbishop of the Archdiocese of Cebu.

Ito ay inorganisa ng Pastoral Council for Filipino Catholics in Milan at ng Fiesta Senor Executive Committee at sinuportahan ng Office of the Pastoral Care of Migrants (Archdiocese of Milan), National Coordinator for Filipino Chaplains in Italy at ng Basilica Minore del Santo Nino de Cebu. 

(isinulat ni: Dittz Centeno-De Jesus – mga kuha: Gyndee at VisMin BoF)

VIVA PIT SENOR!!!

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 3]

Minimum wage sa domestic job sa taong 2023 

Sinulog Festival 2023 sa Roma