Ginanap sa Roma ang isang malaking okasyon ng mga taga-bayan ng Tuy. Ito ay ang TULUME CLUB.
Saan at kailan nga ba nagmula ang Tulume?
Tuy, Batangas, isang bayan sa Batangas na naitatag noong August 12, 1866. Ang pangalang Tuy ay ibinigay ni Salvador Ellio bilang ala-ala kung saan siya pinanganak, Tui, Galicia, Spain. Ito ay isang 3rd class municipality at ayon sa survey noong taong 2015 may papulasyon itong 43,743. Ito ay binubuo ng 22 Barangay na sa kasalukuyang pinamumunuan ng butihing Mayor Jose Jecerell C. Cerrado.
Taong 1958 itinatag ang sikat na sikat na TULUME CLUB sa bayan ng Tuy, Batangas. Ito ay itinatag dahil napansin nila na sila pang taga bayan ang walang itinatatag na kahit anong club para magkasama-sama at mag saya na taon taon na syang ginagawa ng nga taga-baryo o Barangay. Dahil dito pinangunahan ng mga kilalang tao ng bayan ang nasabing club, sabihin na nating mga mayayaman pulitiko, duktor, abogado, guro at mga negosyante.
Sa madaling salita ito ay isang pribadong kasiyahan na sadyang mga naggagandahan ang mga dumadalo sa kanilang mga kasuotan. Sabi nga ng ilan, hanggang silip lang sa mataas na bakod ang mga gustong makasaksi at mapanood ang nasabing taunang okasyon ng bayan.
Dahil dito, naisipan ng mga taga-bayan ng Tuy na nasa Roma na gawin at ipagpatuloy ang kaugaliang ito sa Roma.
Taong 2016, itinatag ang TULUME CLUB IN ROME ITALY sa pangunguna ni Mrs. Ana Destreza. Naging matagumpay ito at nasundan pa ng 2017 sa pamumuno naman ni Mr. Mando Gamez. At nitong nakaraang December 26, 2018 ay ang ikatlong taon ng TULUME sa pamumuno naman ni Mr. Rey Panganiban at ng kanyang butihing maybahay na si Ymeeh. Naging maganda at matagumpay ang nasabing okasyon na pinaghandaan mula pa lang sa pagpasok ng taong 2018. Samakatwid ay isang taong preparasyon tulad ng ensayo ng mga sayaw na inihanda para sa ikakasiya ng lahat ng mga bisita mula sa mga iba’t ibang lugar higit sa lahat ang mga taga Tuy, Batangas.
Mula umaga sinimulan ng isang sagradong Misa at ang masaganang kainan hanggang matapos ang nasabing okasyon.
Isa sa main event ay ang sayaw na Rigodon di Honor na binubuo ng magkakaparehang di bababa sa 16 na pares.
Isa din sa inabangan ay ang pagpuputong ng korona sa tinanghal na Muse ng Tulume ang magandang dilag na si Fatema Malik anak nina Mr. and Mrs. Esmer Andino Malik.
Inaasahang sa susunod na taon ay isa na namang masaya at magarbong anibersaryo ang aabangan ng lahat. Para na din sa ikakasiya ng mga kababayan nila na nandito sa bansang Italya!
Eiron Ignaco